Calendar

Young Guns: Nasa mabuting kamay tayo kay PNP chief Torre
SUPORTADO ng Young Guns ng Kamara de Representantes ang pagtatalaga kay Police Major General Nicolas Torre III bilang hepe ng Philippine National Police (PNP), at inilarawan ang hakbang na ito ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na isang hakbang tungo sa mas may pananagutan at propesyonal na institusyong nagpapatupad ng batas.
Naglabas ng joint statement sina Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, Zambales Rep. Jay Khonghun, La Union Rep. Paolo Francisco Ortega V, 1RIDER Rep. Rodge Gutierrez, at Manila Rep. Ernest “Ernix” Dionisio upang purihin ang appointment ni Torre.
“We are fully and 100% behind President Bongbong Marcos’ decision to appoint Gen. Torre as PNP Chief. Sa panahong kailangan natin ng matatag at makataong pamumuno sa hanay ng kapulisan, ito ay isang malinaw na mensahe: we are in good, capable hands,” saad ng mga mambabatas.
Binigyang-diin ng mga mambabatas na ang pagtatalaga kay Torre ay sumasalamin sa paninindigan para sa hustisya at rule of law.
“His career has been defined by courage, integrity and an unyielding commitment to justice. We believe his leadership will inspire confidence not only within the PNP but also among the Filipino people,” dagdag pa nila.
Si Torre, na kasalukuyang direktor ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), ay nagtapos sa Philippine National Police Academy (PNPA) Class of 1993.
Nagsilbi rin siya bilang direktor ng Quezon City Police District (QCPD) at Davao Regional Police Office.
Ayon sa Young Guns, ang matitibay na desisyon ni Torre ay kinikilala bilang patunay ng kanyang paninindigan sa batas kahit na kinasasangkutan ng malaking personalidad.
“Unbending ang kanyang paninindigan, kaya kailangan natin ng ganitong klaseng lider sa ating PNP. Kahit sino pa ang sangkot o gaano pa kataas na tao, hindi siya bumibigay. Ito ay patunay ng kanyang integridad at dedikasyon sa serbisyo,” anila.
Ipinahayag din nila ang pag-asa na sa ilalim ng pamumuno ni Torre ay lalo pang magiging bukas at nakatuon sa komunidad ang PNP.
“We look forward to a PNP that not only enforces the law but also earns the trust and respect of the communities it serves,” sabi nila.
Hinimok rin nila ang publiko na suportahan ang bagong hepe ng PNP sa kanyang pagsisikap na makapagdulot ng positibong pagbabago sa hanay ng kapulisan.
“We believe that law enforcement is a collective effort between our law enforcers and the communities they serve. Kaya sana ay tulungan natin si Gen. Torre sa pagpapanatili ng peace and order sa ating bansa,” dagdag pa nila.