Karl Eldrew Nagpasiklsb si gymnast Karl Eldrew Yulo ng Manila sa Batang Pinoy. PSC Media photo

Yulo, angat sa kalaban sa Batang Pinoy

305 Views

IPINAMALAS ni Karl Jahriel Eldrew Yulo ang natatanging kakayanan sa pagdodomina nito sa Boys FIG Juniors 14-17 event ng Men’s Artistic Gymnastics tungo sa pagwalis sa pitong nakatayang gintong medalya ng 2023 Batang Pinoy and Philippine National Games (BP-PNG) National Championships sa GAP Gym sa Intramuros, Manila.

May pagkakataon pa sanang makamit ng 15-anyos na si Yulo ang ikawalong ginto na nakataya sa team event upang maging most medalled athlete ng Batang Pinoy na para sa 17-anyos pababa bagaman pinagdidiskusyunan ng mga technical official ang paggagawad ng medalya.

Si Yulo, na katatapos lamang sumabak sa 2023 JRC Stars Artistic Gymnastics Championships sa Bangkok, Thailand kung saan ito nagwagi ng apat na ginto, 1 pilak at 1 tanso, ay sadyang kakaiba sa mga kalahok sa FIG Juniors kung saan nito inangkin ang ginto sa vault, still rings, floor exercise, high bar, parallel bar, pommel horse, at individual all-around.

Inaasahan naman na sasabak muli ngayon si Yulo sa aksiyon sa PNG sa pagnanais nitong maramdaman at ma-obserbahan ang paglalaro sa susunod nitong yugto na elite category.

Samantala’y nagpakitang gilas ang magkapatid na sina Leila Anika at Jeanne Soleil Cervantes sa pagwawagi ng mga gintong medalya para sa City of Parañaque habang iniuwi ng Guimaras City ang dalawang ginto sa limang nakatayang event ng BMX racing competition na ginanap sa Tagaytay City BMX Park.

Wagi sa Batang Pinoy: BMX Girls 13 & Under si Leila Anika Cervantes ng City of Parañaque at ang kapatid na si Jeanne Soleil Cervantes ng City of Parañaque sa Girls 14-15, at si Emmanuel Redilla ng City of Imus sa Boys 13 Under.

Nagkampeon naman si Gremarc Gyan Dela Gente ng Guimaras at Ben Rian Babica ng Guimaras sa Boys 14-15 category habang wagi din si Ben Rian Babica ng Guimaras sa Boys 16-17 division.

.Apat na gintong medalya ang naiuwi sa Women’s Artistic Gymnastics (WAG) ni Maria Celina Angela Gonzales ng City of San Juan sa pagwawagi sa Uneven Bars (6.500), Balance Beam (8.150), Floor Exercise (8.750) at Individual All-Around (34.700).

Tanging nakapilak ito sa vault event sa 9.300 puntos na napunta kay Tchelzy Mei Maayo ng City of Taguig na nanalo sa Vault Event (9.350) sa High Perfromance 1.

Tinanghal na kampeon sa Team Championship ang City of Tagum na binubuo nina Hollie Bautista, Aluna Margauz Labrador at Alessa Reese Solis na nagtipon ng 44.150 puntos.

Wagi sa HP 2 si Louise Jelyn Orcine ng Pasay City sa vault (9.40), Jazmine Legaspi ng City of Cebu sa Uneven Bars (7.60) at Floor Exercise (8.35), Kaye Margarette Mitra ng City of Sta. Rosa sa

Balance Beam (8.40), Clara Miranda San Pedro ng City of Pasig (31.45) sa Individual All-around habang wagi sa Team sina Legaspi, Kristine Teopiz at Nina Karel Aninon ng Cebu (79.00).

Wagi sa HP1 sina Ma. Leiry Epe ng City of Cebu sa Vault event (9.25), Sophia Lauryce Latoreno ng Quezon City sa Uneven Bars (7.85), Sofia Marie Mojado ng Mandaluyong City sa Balance Beam (8.65) at Individual All-Around (32.25), Lilia Sage Dazo ng City of Cebu sa Floor Exercise (8.05).

Ginto din sina Lilia Sage Dazo, Ma. Liery Epe, Stacey Eunice Mag-aso, at Francine Reignh Velasco sa Team event.

Samantala’y inangkin ni Arvin Naeem Taguinota II ng Pasig ang ikaapat nitong gintong medalya sa swimming matapos na magwagi sa Boys 8-12 200 LC Meter IM, sa Boys 12 & Under 50 LC Meter Backstroke, sa Boys 12 & Under 100 LC Meter Backstroke, at 200 LC Meter Medley Relay.

Kabuuang 25 sports ang pinaglalabanan sa torneo na archery, arnis, athletics, badminton, basketball 3×3, boxing, chess, cycling, dancesport, football, gymnastics, judo, karatedo, kickboxing, lawn tennis, muay thai, pencak silat, sepak takraw, swimming, table tennis, taekwondo, beach volleyball, wrestling, weightlifting at wushu.

Ang kambal na multi-sports ay suportado ng PAGCOR, DepEd, DILG, POC, NSAs, PBA, Milo Philippines, Otsuka Solar-Pocari Sweat, PLDT at Smart Communications, Grab, Chooks-to-Go at Shakey’s Philippines.