Jalosjos

Zambo del Norte humiling ng aksyon sa hiling na supplemental budget

79 Views

NAGLABAS ng opisyal na pahayag si Zamboanga del Norte Governor Rosalina “Nanay Nene” Jalosjos bilang panawagan sa Sangguniang Panlalawigan na humihiling na aksiyunan ang kanyang hirit sa panukalang supplemental budget upang hindi maantala ang serbisyo at sahod ng mga kawani.

Sa isang pahinang official statement ni Gov. Jalosjojos, matagal na aniya niyang isinumite sa Sangguniang Panlalawigan ang panukalang supplemental budget upang mapondohan ang sahod ng mga kawani, maipagpatuloy ang naantalang proyektong pang-imprastraktura, at dagdag sahod sa mga regular na empleyado, batay sa nakasaad sa Civil Service Law.

Mula aniya buwan ng Oktubre hanggang ngayong Disyembre ay hindi pa makatanggap ng sahod ang mga job order at contract of service employees dahil sa kawalan ng sapat na pondo.

Nagpahayag ng pangamba ang gobernadora na baka maapektuhan ang manpower operation ng lahat ng ahensiya, lalu na ang pagkakaloob ng serbisyo sa tao ng Pamahalaang Panlalawigan.

Kabilang aniya sa maaaring maapektuhan ay ang operasyon ng Provincial at mga District hospital, at iba pang mga pagawaing bayan.

Tiwala aniya siya sa likas na kabutihan ng kanyang mga kapuwa lingkod-bayan at ang kanilang pangako sa mamamayan ng Zamboanga del Norte kaya’t umaasa siya na maipapasa ang ordinansa na pandagdag sa pondo.