Cong. Rolando Valeriano

𝗩𝗮𝗹𝗲𝗿𝗶𝗮𝗻𝗼 𝘀𝘂𝗽𝗼𝗿𝘁𝗮𝗱𝗼 𝗮𝗻𝗴 𝗽𝗮𝗻𝗮𝘄𝗮𝗴𝗮𝗻 𝗻𝗴 𝗞𝗮𝗺𝗮𝗿𝗮 𝗹𝗮𝗯𝗮𝗻 𝘀𝗮 illegal 𝗣𝗢𝗚𝗢

Mar Rodriguez Jul 20, 2024
199 Views

𝗞𝗜𝗡𝗔𝗞𝗔𝗧𝗜𝗚𝗔𝗡 𝗻𝗶 𝗠𝗮𝗻𝗶𝗹𝗮 𝟮𝗻𝗱 𝗗𝗶𝘀𝘁. 𝗖𝗼𝗻𝗴. 𝗥𝗼𝗹𝗮𝗻𝗱𝗼 “𝗖𝗥𝗩” 𝗠. 𝗩𝗮𝗹𝗲𝗿𝗶𝗮𝗻𝗼 𝗮𝗻𝗴 𝗻𝗮𝗴𝗶𝗻𝗴 𝗽𝗮𝗻𝗮𝘄𝗮𝗴𝗮𝗻 𝗻𝗴 𝗞𝗮𝗺𝗮𝗿𝗮 𝗱𝗲 𝗥𝗲𝗽𝗿𝗲𝘀𝗲𝗻𝘁𝗮𝗻𝘁𝗲𝘀 𝗽𝗮𝗿𝗮 𝘀𝗮 𝗽𝗮𝗴𝘀𝗮𝘀𝗮𝗴𝗮𝘄𝗮 𝗻𝗴 𝗺𝗮𝗯𝗶𝗹𝗶𝘀𝗮𝗻𝗴 “𝗰𝗿𝗮𝗰𝗸𝗱𝗼𝘄𝗻” 𝗼 𝗮𝗻𝗴 𝗺𝗮𝗹𝗮𝘄𝗮𝗸𝗮𝗻𝗴 𝗽𝗮𝗴𝗯𝘂𝗯𝘂𝘄𝗮𝗴 𝘀𝗮 𝘁𝗶𝗻𝗮𝘁𝗮𝘆𝗮𝗻𝗴 𝗻𝗮𝘀𝗮 𝟰𝟬𝟮 𝗶𝗹𝗹𝗲𝗴𝗮𝗹 𝗻𝗮 𝗼𝗽𝗲𝗿𝗮𝘀𝘆𝗼𝗻 𝗻𝗴 𝗣𝗵𝗶𝗹𝗶𝗽𝗽𝗶𝗻𝗲 𝗢𝗳𝗳𝘀𝗵𝗼𝗿𝗲 𝗚𝗮𝗺𝗶𝗻𝗴 𝗢𝗽𝗲𝗿𝗮𝘁𝗶𝗼𝗻𝘀 (𝗣𝗢𝗚𝗢) 𝘀𝗮 𝗶𝗯𝗮’𝘁-𝗶𝗯𝗮𝗻𝗴 𝗯𝗮𝗵𝗮𝗴𝗶 𝗻𝗴 𝗯𝗮𝗻𝘀𝗮.

Binigyang diin ni Valeriano, chairman ng House Committee on Metro Manila Development, na masyado na aniyang nakakabahala ang mga criminal activities na kinasasangkutan ng mga Chinese nationals na nag-ooperate ng POGO sa buong bansa.

Ayon kay Valeriano, mistulang nilalapastangan na ng mga Chinese nationals na ito ang batas ng Pilipinas sapagkat dito nila mismo ginagawa sa bansa ang kanilang mga illegal na gawain katulad ng pagpatay o murder, human trafficking, prostitution, drug smuggling at drug pushing.

Sabi ng kongresista, panahon na para matuldukan at mawakasan ang pamamayagpag ng mga illegal na POGO operations dahil lantaran nitong inilalagay sa panganib ang segurdidad ng bansa at sariling katahimikan ng mga Pilipino.

Paliwanag ni Valeriano, bagama’t malaking ganansiya ang nakukuha ng pamahalaan mula sa POGO, nalalagay naman aniya sa balag ng alanganin ang seguridad ng Pilipinas bunsod ng lumalalang kriminalidad na dulot ng POGO.

Sang-ayon din si Valeriano sa pahayag ng kaniyang kapwa kongresista na dapat umaksiyon na ang mga opisyal ng mga Local Government Units (LGUs) para agarang maipasara ang mga POGO hubs na nasa kanilang balwarte matapos itong mai-isyuhan ng business pemits.

Ayon pa kay Valeriano, malaki ang maitutulong ng mga LGUs para mawakasan na ang lumaganap na kriminalidad na ang operasyon ng POGO ang pinag-uugatan.