Calendar
10,000 benepisyaryo mula Zamboanga City naabutan ng tulong pinansyal at bigas
KABUUANG 10,000 residente ng Zamboanga City ang nakatanggap ng tulong pinansyal at bigas sa ilalim ng makabagong program para sa mga bulnerableng sektor.
Ang Cash Assistance and Rice Distribution (CARD) Program, na isang inisyatiba ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ay hindi lamang naglalayong palakasin ang purchasing power o kakayanang bumili ng publiko kundi isa ring istratehikong tugon sa paglaban sa mga hoarder at mga nagmamanipula ng presyo ng bigas.
“Alam po ng inyong mga kinatawan ang pinagdadaanan ng marami. Dama din po namin sa Kamara de Representante ang mabilis na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, kasama dito ang bigas,” ani Speaker Romualdez, lider ng Kamara de Representantes na mayroong mahigit 300 kinatawan, sa paglulungsad ng programa sa Summit Center, Universidad de Zamboanga ngayong Biyernes.
“Kaya nga’t binuo ng tanggapan ng inyong lingkod ang programang CARD. Tinutugunan ng programang ito ang pangangailangan na masiguro na ang mas nakararaming Pilipino ay palaging may bigas na maisasaing, mapigilan ang hoarding at ng sa gayon ay mapabagal ang pagtaas ng presyo ng bilihin,” dagdag ni Speaker Romualdez.
Nakatanggap ang bawat isa sa 10,000 benepisyaryo ng tig-P2,000 cash sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) Program ng DSWD, at 25 kilo ng premium rice na nagkakahalaga ng P1,000.
Ang mga benepisyaryo ay mula sa marginalize at vulnerable sector gaya ng mga mahihirap, senior citizen, PWDs, single parent at indigenous peoples.
“Bawat isa po sa 10,000 benepisyaryo ay tatanggap ngayong araw ng tig-tatlong libong piso at dalawampu’t limang kilo ng bigas,” ani Speaker Romualdez.
Ibinahagi rin ng House Speaker ang hakbang na pinagtulungan nila ng mga opisyal ng Department of Agriculture upang mapababa sa P30 ang presyo ng bigas pagsapit ng Hulyo.
“Hindi po dito nagtatapos ang aming pagserbisyo sa inyo. Nagtutulungan na ngayon ang Kongreso at Department of Agriculture para matiyak na may mura at de-kalidad na bigas nang mabibili simula ngayong Hulyo,” wika ni Speaker Romualdez.
“Ang target namin: bigas na hindi tataas sa P30 bawat kilo. Sisimulan ang pagbenta nito sa ilang piling KADIWA Centers na itatayo ng Department of Agriculture sa mga siyudad sa buong bansa,” sabi pa niya.
Ayon kay Speaker Romualdez ang CARD Program ay halimbawa ng pagtutulungan ng pamahalaan para tugunan ang tumataas na presyo ng bilihin at maisulong ang katatagan ng ekonomiya na pakikinabangan ng mga Pilipino.
“Ginagamit din po namin ang tiwalang ibinigay ninyo sa amin para matukoy at panagutin ang mga taong nagsamantala para artipisyal na pataasin ang presyo ng mga pangunahing bilihin,” paghahayag niya.
“Ang inyong lingkod, sampu ng iba pa nating kasamahan sa Kamara de Representantes, kasama ng mahal na Pangulong Bongbong Marcos, ay hindi po titigil at magpapatuloy na gawin ang lahat ng aming makakaya upang maitaguyod ang kapakanan ng mas nakararaming Pilipino, wika pa ng lider ng Kamara.