103 PUV stops ginagawa ng DOTr

Jun I Legaspi Jun 22, 2026
149 Views

NAGTATAYO ang Department of Transportation (DOTr) ng 103 public utility vehicle (PUV) stops sa buong bansa kasunod ng utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para maging komportable ang paghihintay sa mga pampublikong sasakyan ng mga commuters.

Noong wala pang mga modernong PUV stops, nahihirapan ang mga pasahero sa paghihintay ng sasakyan kapag mainit o umuulan. Wala ring sapat na ilaw sa ilang mga eskwelahan, kaya delikado sa ibang mga estudyante na sa gabi pa ang labasan.

“Ramdam natin ang hirap ng mga komyuter lalo na kung mainit o umuulan at naghihintay sila ng sasakyan,” ayon kay Transportation Secretary Giovanni Lopez.

Nakapagpatayo na ang DOTr ng 24 PUV stops sa Marikina, Manila, Malabon, Quezon City, at Kalibo at Malay sa Aklan.

Samantala, 19 PUV stops ang ginagawa sa Muntinlupa at Iloilo, habang may pondo na para sa gagawing 84 PUV stops sa Palayan at Science City of Muñoz sa Nueva Ecija, Zamboanga, Quezon City, Calapan, Cebu City at Mandaue.

Bawat modern PUV stop na itatayo ay mas pinaganda, kumpleto at ginawang episyente dahil may mga upuan, CCTVs, ilaw, kongkretong bollard, tactile pavement, charging station, solar panels at bike repair station.

Sa Marikina City, malaking tulong sa mga pasahero ang PUV stops sa may Concepcion Elementary School at San Roque Park.

“Katulad ko parent, maghihintay din dito may mauupuan kami, komportable kami. Hindi katulad dati na mag-aabang kami sa gate, tayuan. At least dito (PUV stop), may masisilungan kami,” sabi ni Mary Grace Ricafort.

Para kay George Calut, mas magiging safe na dahil sa maliwanag na sa PUV stop sa gabi bunga ng solar power.

“Nakakatipid ang solar panel kasi imbes na budget na para dyan at kukuha sa Meralco, medyo madugo kasi araw-araw. Kung solar power na ginawa ng LGU ang laking tipid po,” sabi ni Calut.