Calendar
Tulfo isusulong no-work, no-pay bill para sa matataas na opisyal
ISUSULONG ni Sen. Raffy Tulfo ang panukalang batas na magpapatupad ng “no work, no pay” rule sa matataas na opisyal ng gobyerno na hindi pumapasok sa trabaho nang walang sapat na dahilan.
Ayon kay Tulfo, layon ng panukala na maging patas ang patakaran sa ordinaryong kawani ng gobyerno, na kailangang pumasok sa trabaho, makipagsabayan sa traffic at umiwas na ma-late.
Hindi dapat pasanin ng taxpayers ang sweldo ng mga opisyal na hindi ginagampanan ang kanilang tungkulin.
Hindi rin dapat saklaw ng bawas-sweldo ang pagliban dahil sa official meetings, pagkakasakit, opisyal na pagpapatawag o pagdalo sa conference.
Sinabi ng senador na hindi dapat limitado sa mga senador ang panukala at dapat ding saklaw nito ang iba pang matataas na opisyal, kabilang ang Cabinet secretaries, directors at mga opisyal ng government-owned or controlled corporations.
Pumapasok sa trabaho ang ordinaryong empleyado kahit umuulan, mainit at matindi ang traffic, habang ang mga opisyal ay pinasasahod ng taumbayan at dapat sumunod sa kaparehong pamantayan.
Ayon kay Tulfo, usapin din ito ng pamumuno at tiwala ng publiko, dahil dapat manguna sa pagpapakita ng halimbawa ang mga opisyal kung inaasahan nilang papasok at magtatrabaho nang maayos ang mga kawani ng gobyerno.
Pag-aaralan pa ang panukala, kabilang ang posibleng pagbabago sa Senate rules kung ipatutupad ito sa mga senador.
Ayon kay Tulfo, layon ng panukala na maprotektahan ang pondo ng bayan at ipaalala sa mga opisyal na sila ay may pananagutan sa taumbayang nagpapasuweldo sa kanila.

