Calendar
Mga senador nanawagan ng mas mahigipit na school safety, tamang juvenile justice action
NANAWAGAN ang ilang senador ng mas mahigpit na school safety measures, tamang proseso sa ilalim ng juvenile justice system at mas malawak na access sa mental health support matapos ang pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City na ikinasawi ng tatlong estudyante at ikinasugat ng iba pa.
Sinabi ng mga mambabatas na dapat maging dahilan ang insidente upang repasuhin ng mga ahensya ng pamahalaan, lokal na opisyal, law enforcers at school authorities kung paano pinoprotektahan ang mga estudyante sa loob ng campus at kung paano natutukoy at natutulungan ang mga kabataang maaaring nangangailangan ng suporta.
Sinabi ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan na hindi dapat pakawalan ang mga menor de edad na suspek dahil lamang sa kanilang edad at dapat silang dumaan sa prosesong itinakda ng Juvenile Justice Law.
“Hindi pwedeng pakawalan ang mga suspek kahit menor de edad. Dapat dumaan sila sa prosesong itinakda ng batas,” ani Pangilinan.
Sinabi ni Pangilinan na maaari ring managot sa ilalim ng batas ang mga magulang ng mga suspek kung mapatutunayang naging pabaya sila.
Sinabi rin niya na dapat magbigay ang Department of Social Welfare and Development ng karampatang suporta sa mga biktima at kanilang mga pamilya hanggang makamit nila ang katarungan.
Kinondena ni Pangilinan ang pamamaril at nakiramay sa mga pamilya ng mga nasawi.
“Taos-puso akong nakikiramay sa mga naiwan ng mga nasawi. Mariin kong kinokondena ang pamamaril na nangyari sa loob ng paaralan,” ani Pangilinan.
Sinabi naman ni Senador Paolo Benigno “Bam” Aquino IV na dapat manatiling ligtas ang mga paaralan at hindi maging lugar ng takot at karahasan.
Ayon kay Aquino, hindi dapat hayaang maging karaniwan sa bansa ang school shooting.
Sinabi niya na kailangang malaman ng mga awtoridad kung paano nakapasok sa paaralan ang mga armas, kabilang ang kutsilyo at baril.
“Kailangan malaman rin natin kung paano nakapasok yung mga armas, mga kutsilyo, mga baril. Hindi dapat ’yan nakakapasok sa mga eskwelahan natin,” ani Aquino.
Sinabi ni Aquino na natalakay na sa kanyang komite ang panukalang School Safety Act, kabilang ang bullying at mga mapanganib na school activities.
Ayon sa senador, isasama ang Tacloban shooting sa pagtalakay kung paano mapipigilan ang kahalintulad na insidente at kung paano magiging mas ligtas ang mga paaralan.
Nanawagan din si Senadora Camille Villar ng agarang at magkakaugnay na hakbang upang maprotektahan ang mga bata sa loob ng paaralan.
Hinimok niya ang Department of Education, mga lokal na pamahalaan, law enforcement agencies at school authorities na suriin ang umiiral na school safety protocols, anti-bullying rules, counseling services at intervention programs para sa at-risk youth.
“We must strengthen coordination among our schools, communities, local governments, and law enforcement agencies. The protection of our children cannot be the responsibility of one institution alone. It requires a whole-of-government and whole-of-community approach,” ani Villar.
Sinabi ni Villar na ipinakita rin ng insidente ang pangangailangang palawakin ang access sa mental health services para sa kabataang Pilipino, kabilang ang suporta sa mga humaharap sa emotional distress, social pressure, bullying at iba pang suliraning maaaring hindi agad napapansin.
Tinukoy niya ang Senate Bill No. 1760, na naglalayong magtalaga ng Mental Health Officer sa bawat lungsod at munisipalidad upang pangunahan ang community-based mental health programs and services.
Ayon kay Villar, dapat ding repasuhin ang school safety, anti-bullying measures, youth intervention programs at access sa mental health services matapos ang insidente sa Tacloban.
“The loss of even one young life is already one too many. We cannot allow violence to take away the future of our children,” ani Villar.
Ayon sa mga senador, dapat magsilbing dahilan ang Tacloban shooting upang masusing repasuhin ang campus security, youth intervention, juvenile justice procedures at victim support systems.

