Gatchalian

Gatchalian nanawagan sa LGUs kontra pagtaas ng child stunting

96 Views

NANAWAGAN si Senate President Sherwin Gatchalian sa mga lokal na pamahalaan na palakasin ang mga hakbang sa nutrisyon matapos tumaas ang kaso ng stunting sa mga bata sa Pilipinas sa unang pagkakataon sa loob ng 10 taon.

Kailangang kumilos agad ang mga lokal na opisyal dahil naaapektuhan ng kakulangan sa nutrisyon ang kalusugan, paglaki at pagkatuto ng mga bata, sabi ng senador.

“Hindi tayo maaaring mag-aksaya ng panahon sa pagsugpo sa stunting, lalo na’t kalusugan, kakayahan at pagkatuto ng ating mga kabataan ang nakataya.

Kailangang kumilos agad ang mga LGU para magpatupad ng mga programang pang-nutrisyon para sa mga bata,” ani Gatchalian.

Tinukoy niya ang Early Childhood Care and Development System Act, o Republic Act No. 12199, na nagbibigay sa mga LGU ng tungkuling ipatupad ang mga programa at serbisyo sa ilalim ng ECCD, kabilang ang mga may kaugnayan sa kalusugan at nutrisyon ng mga batang wala pang limang taong gulang.

Batay sa survey ng Department of Science and Technology-Food and Nutrition Research Institute, umabot sa 25.3% ang stunting sa mga Pilipinong batang wala pang 5 taong gulang noong 2025, mas mataas kaysa 23.6% noong 2023.

Nasa 33.4% ang stunting rate noong 2015 at tuloy-tuloy itong bumaba bago naitala ang bagong pagtaas.

Sa ilalim ng 2026 national budget, P9.26 bilyon ang inilaan para sa Supplementary Feeding Program ng Department of Social Welfare and Development para sa mga batang edad dalawa hanggang lima na naka-enroll sa child development centers at supervised neighborhood play.

Mahalaga ang papel ng mga lokal na pamahalaan sa pagpigil sa pagtaas ng stunting sa pamamagitan ng pagtiyak na naaabot ng mga serbisyong pang-nutrisyon ang mga bata sa kanilang murang edad, ayon sa senador.