Simba PNA file photo

13-anyos tinigok ng 41-anyos pagkatapos ng Simbang Gabi

369 Views

PATAY ang isang 13-anyos na lalaki matapos umanong barilin ng isang 41-anyos na suspek habang papauwi galing sa pagdalo sa simbang-gabi sa Quezon City noong madaling-araw ng Sabado.

Ayon sa pulisya, naganap ang insidente bandang 4:30 ng umaga sa kanto ng Nicanor Ramirez at Matimyas Streets, Barangay Don Manuel.

Pauwi na umano ang biktima at ang kanyang mga kaibigan matapos dumalo sa simbang-gabi nang makita nilang kinukursunada ang isa niyang pinsan ng isa pang grupo ng kabataan.

Nang makialam ang biktima upang ipagtanggol ang pinsan, nauwi ito sa rambulan.

Sa gitna ng gulo, dumating umano ang suspek sakay ng motorsiklo at agad binaril ang biktima bago tumakas.

Isinugod sa ospital ang binatilyo ngunit idineklarang dead on arrival dahil sa tama ng bala sa dibdib.

Agad na nagsagawa ng hot pursuit operation ang pulisya at naaresto ang suspek bandang 8:52 ng umaga. Patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang motibo ng pamamaril.