Patay

Nagpasan ng imahe ng Poong Nazareno kinadyot ng kalabang gang, dedo

Edd Reyes Dec 21, 2025
346 Views

TIMBOG sa follow-up operation ng pulisya noong Sabado ng hapon ang isa sa dalawang salarin na pumaslang sa 18-anyos na binata na katatapos lang pumasan sa prusisyon ng imahe ng Mahal na Poong Nazareno sa Caloocan City.

Positibong kinilala ng 16-anyos na testigo sa harap ni Caloocan Police Chief PCol. Joey Goforth ang suspek na si alyas “Romel” na 18-anyos din at residente ng Barangay 20.

Ang suspek ay naaresto ng mga tauhan ng Maypajo Police Sub-Station 1 sa Tamban Street alas-3 ng hapon, habang tinutugis pa ang kanyang kasabuwat na si alyas “Geofrey” na 18-anyos at residente rin sa nasabing barangay.

Sa imbestigasyon ni PMSg. Marvin Doctor ng Investigation and Detective Management Section ng Caloocan police, katatapos lang pumasan ng bikima ng imahe ng Nazareno sa prusisyon sa kahabaan ng C-3 Road nang umangkas pauwi sa likod ng e-bike ng testigo na kanyang kaibigan Biyernes ng alas-8 ng gabi pauwi sa kanilang tirahan.

Pagsapit sa kanto ng Talakitok Street at C-3 Road sa Brgy. 22, naispatan ng mga nakatambay na suspek sa lugar ang biktima na umano’y miyembro ng kanilang kalabang gang kaya hinarang at pinagtulungang pagsasaksakin, bago tumakas nang duguang bumulagta na ang biktima.

Naisugod pa ng kanyang kaibigan sa Caloocan City Medical Center ang biktima subalit nasawi rin dakong alas-10:39 ng gabi habang nilalapatan ng lunas ang mga tinamong tama ng saksak sa likod at tagiliran.