Calendar
Pasahero ng airline patungong Singapore na-offload sa bomb joke
HINDI na pinasakay ng eroplano ang lalaking pasahero patungong Singapore matapos ang pagbibiro hinggil sa pagkakaroon ng bomba sa kanyang bagahe sa regular na pagsusuri sa seguridad, Biyernes ng umaga sa Departure Area ng NAIA Terminal 3 sa Pasay City.
Kaagad na isinailalim sa masusing pagsusuri ng Aviation Security Explosive Ordnance Division ng Philippine National Police (PNP) Aviation Security Group (AVSEGROUP) at Canine Unit ang maleta ng pasahero hanggang ideklara na walang anumang uri ng pampasabog o ng kemikal na lilikha ng sunog sa loob ng kanyang bagahe.
Sa kabila ng kawalan ng aktuwal na banta sa seguridad ng mga pasahero, ipinasiya ng pamunuan ng airline na hindi na maghain ng pormal na reklamo laban sa pasahero at sa halip, hindi na lang siya pinayagang makasakay.
Inilagay na rin ang pasahero sa blacklist ng airline sa mga susunod pa niyang mga biyahe.
“Bomb-related jokes have no place in airport facilities. We maintain a zero-tolerance policy and will take immediate action to ensure the safety and security of all airport operations,” pahayag ni Police Brig. Gen. Dionisio Bartolome Jr., acting director ng PNP AVSEGROUP.

