Sunog

2 magkasunod na malaking sunog sumiklab sa Malabon at Caloocan

Edd Reyes Dec 21, 2025
495 Views

Sunog1Sunog2DALAWANG malaking sunog na tumupok sa mga kabahayan at malalaking bodega ang sumiklab sa magkahiwalay na lugar Sabado ng gabi at Linggo ng madaling araw sa Malabon at Caloocan Cities.

Unang tinupok ng sunog ang halos 100-kabahayan sa Gulayan, Sto. Niño, Barangay Concepcion Malabon City na nagsimula alas-7:32 ng Sabado ng gabi at itinaas sa ikatlong alarma alas-8:20 ng gabi bago tuluyag nakontrol ng alas-11:35 hanggang ideklarang fire out pasado alas-12 ng hatinggabi.

Apektado sa naturang sunog ang 133 pamilya na pansamantala ngayong nanunuluyan ang 59 sa Concepcion Elem School, 30 sa Amang Rodriguez Elementary School, 29 sa Concepcion Technical Vocation School at 15 pamilya sa Sto. Niño Multipurpose Hall kung saan pinahatiran sila ni Mayor Jeannie Sandoval ng makakain at mga pangunahing pangangailangan.

Alas-4:00 naman ng Linggo ng madaling araw nang sumiklab ang malaking sunog sa bodega ng mga materyales ng bantog na juice drink (ZESTO) sa Barrio Pacita, Brgy. 95, Caloocan City na itinaas din sa ikatlong alarma alas-6:31 ng umaga.

Lumikha ng masikip na daloy ng trapiko sa kahabaan ng EDSA ang nangyaring sunog dahil sa dami ng mga nagrespondeng bumbero bunga ng malakas na buga ng apoy at maitim na usok na bumalot sa himpapawid na natanaw kahit sa malayong mga lungsod sa Metro Manila.

Alas-8:50 ng umaga nang tuluyang makontrol ang sunog sa hilera ng mga bodega habang nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang mga tauhan ng Caloocan City Bureau of Fire Protection (BFP) upang alamin ang sanhi ng sunog.

Wala namang iniulat na nasaktan o nasugatan sa dalawang magkahiwalay na sunog na hindi pa tiyak kung magkano ang kabuuang halagang natupok ng apoy.