Suspek

Kalalaya lang mula droga balik selda dahil sa boga

Edd Reyes Dec 22, 2025
364 Views

BALIK selda ang 37-anyos na kelot na kalalaya lang sa bisa ng piyansa sa kasong pag-iingat ng droga at ilegal na sugal, matapos ireklamo ng panunutok ng baril Lunes ng madaling araw sa Valenzuela City.

Hindi alam ng suspek na si alyas “Kevin” na pulis pala ang dalawang naka-sibilyang lalaki na lumapit sa kanya alas-12:15 ng madaling araw, habang naglalakad na nakasukbit ang baril sa baywang sa Barangay Marulas na nagresulta sa kanyang pagkakadakip.

Sa tinanggap na ulat ni acting Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, nagsasagawa ng anti-criminality operation ang mga tauhan ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento sa Brgy. Marulas nang humahangos na lumapit sa kanila ang 22-anyos na si alyas “Cruz” upang ireklamo ang suspek dahil sa ginawang pananakot at panunutok sa kanya ng baril.

Sa halip na buong puwersa ng Valenzuela Police Sub-Station 3 ang magresponde, ang mga naka-sibilyang pulis na sina P/Cpl. Mark Anthony Gachalian at P/Cpl. Ledick Bacuran muna ang nagtungo sa lugar upang hindi mabulabog ang suspek.

Nakumpiska sa suspek ang hindi lisensiyadong kalibre .45 STI Edge pistol na may tatlong bala sa magazine matapos magpakilalang mga pulis ang umaresto sa kanya.