Calendar
Iniharap ni PLt. Ferdinand Omli (kaliwa) kay PLt. Col. Francis Balais ang suspek sa panggagahasa matapos matimbog sa isinagawang operasyon sa Tondo, Manila.
LOLO TIMBOG SA GAHASA NG 10 TAONG GULANG SA TONDO
ARESTADO sa mga operatiba ng Manila Police District (MPD) Delpan Police Station 12 ang 60-anyos na lolo na nasa talaan ng Top 5 most wanted person, matapos ilatag ang Oplan Pagtutugis at isilbi ang arrest warrant nito dahil sa kasong rape sa Barangay 107, Tondo, Manila, noong Sabado.
Nakilala ang suspek na si alyas “Juan” na residente sa naturang lugar.
Ayon kay PLt. Colonel Francis Balais, hepe ng MPD Delpan Police Station 12, bandang alas-4:20 ng hapon nang matimbog ang suspek matapos maispatan sa Brgy. 107 sa Tondo, sa pamumuno ni PLt. Ferdinand Omli, chief ng warrant at subpoena section ng nasabing istasyon.
Bitbit ang arrest warrant ng mga operatiba na inilabas ng Regional Trial Court, Branch 4, Manila, na may petsang Nobyembre 19, 2025, sa kasong rape by sexual assault, sa bisa ng Revised Penal Code, Republic Act (RA) 8353 o Anti-Rape Law of 1997, at RA 7610 o Special Protection of Children against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
Napag-alaman na isang 10-anyos na Grade 4 student ang biktima ng suspek na kanyang pinagsamantalahan noong tanghali ng Oktubre 25, 2025.
Base pa sa dagdag na impormasyon, ang suspek ay dati nang nakasuhan ng unjust vexation at acts of lasciviousness noong Enero 2015.
Ang suspek ay nakadetine sa MPD Delpan Police Station 12 dahil sa nasabing kaso.

