Bonoan

1,500 kilometrong kalsada, 161 tulay nagawa, naayos sa unang 6 buwan ni PBBM

137 Views

UMABOT sa 1,500 kilometrong kalsada at 161 tulay ang nagawa at naiayos sa unang anim na buwan ng administrasyong Marcos.

Iniulat ito ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kasabay ang kanyang ulat kaugnay ng mga nagawa ng ahensya mula Hulyo hanggang Disyembre 2022.

“For the last six months, from July to December, the Department of Public Works and Highways, being the principal infrastructure arm of government has implemented, maintained, constructed and the improved about 1,500 kilometers of national roads and local roads all over the country,” sabi ni Bonoan.

“And we have also undertaken the construction of about 161 bridges along national roads also and other local roads during this period, about six months, 161 important bridges,” dagdag pa ng kalihim.

Mayroon ding umanong 851 flood control project ang DPWH sa mga flood-prone areas ng bansa.

Kasama sa umano sa mga pangunahing proyekto na handa ng pasinayaan bago ang ikalawang State-of-the-Nation Address (SONA) ng Pangulo sa Hulyo ay ang NLEX-SLEX connector mula Caloocan hanggang Skyway Stage III Project ng kompanyang San Miguel Corp, at ang bahagi ng Cavite-Laguna Expressway.

Nakalinya rin umano para sa inagurasyon ang flood mitigation projects sa Cagayan de Oro City, mga road project sa Mindanao at ang Central Luzon Link Project na mag-uugnay sa Tarlac at Cabanatuan City.

Kasama rin umano rito ang Samar Pacific Coastal Road na pagpapatuloy ng kalsada na nasa Pasipiko.