Vargas

1st aid training para sa cardiac arrest isinusulong

Mar Rodriguez Apr 24, 2024
205 Views

Sa harap ng nakakaalarmang heat index

ISINULONG ni House Assistant Majority Leaser at Quezon City 5th Dist. Congressman Patrick Michael “PM” D. Vargas ang isang panukalang batas upang magkasa ng first aid training para sa cardiac arrest.

Sa harap ito ng nakakaalarmang heat index sa iba’t ibang bahagi ng bansa at ang tumataas na posibilidad ng pagkakaroon ng atake sa puso.

Ayon kay Vargas, ngayong tumitindi ang temperatura sa bansa ay hindi dapat balewalain ang banta ng mga sakit na may kinalaman sa init lalo na ang cardiac arrest na biglaang nangyayari at walang babala.

Kaya naman sa inihain nitong House Bill 4464 o ang “CPR and First Aid in Schools Act” ay ituturo sa mamamayan lalo na sa mga nasa paaralan ang kasanayan sa pagsalba ng buhay upang epektibong matugunan ang emergency situations na pinalala ng matinding init ng panahon.

Sa ilalim nito, magkakaroon ng training program ukol sa essential life support techniques kabilang ang cardiopulmonary resuscitation o CPR upang maging epektibo ang pagresponde ng mga indibidwal tuwing may emergency.

Bagama’t inihain ang panukala, pinaalalahanan ni Vargas ang publiko na mag-ingat ngayong panahon ng tag-init at hangga’t maaari ay manatili sa loob ng anumang establisimiyento at maging hydrated.