BBM Binisita ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Metro Pacific Fresh Farms (MPFF) sa San Rafael, Bulacan nitong Miyerkules, Mayo 28, 2025. Source Radio Television Malacanang

1st greenhouse hub ng Pinas sa Bulacan binisita ni PBBM

34 Views

BINISITA ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Miyerkules ang Metro Pacific Fresh Farms (MPFF), ang pinakaunang at pinakamalaking greenhouse facility sa Pilipinas, na matatagpuan sa bayan ng San Rafael, Bulacan.

Ang pagbisita ng Pangulo ay ginanap mahigit dalawang buwan matapos buksan ng Metro Pacific Agro Ventures Inc. (MPAV) ang Phase 1 ng MPFF, isang 22-ektaryang vegetable greenhouse complex.

Bahagi rin ito ng adbokasiya ng administrasyon para sa makabago at makataong teknolohiya sa agrikultura, seguridad sa pagkain, at kaunlaran sa kanayunan.

Kasama ni Marcos sa nasabing okasyon si Kalihim ng Agrikultura na si Francisco Tiu Laurel Jr., kung saan nakita rin ang Pangulo na kumakain ng sariwang ani mula sa pasilidad.

Ang unang bahagi ng MPFF ay binubuo ng anim na greenhouse na sumasakop sa 3.5 ektarya, na may kapasidad na makapag-ani ng 500 metriko tonelada ng gulay kada taon.

Layon ng proyekto na baguhin ang lokal na produksyon ng gulay gamit ang makabago at teknolohiyang pagsasaka, na higit ang ani at katatagan kumpara sa tradisyunal na mga bukirin.

Gamit ng MPFF ang nutrient film technique (NFT) greenhouse technology para sa leafy vegetables, kung saan nakakaani sila ng 60,000 ulo ng letsugas kada buwan, o katumbas ng 144 metriko tonelada ng gulay bawat taon.

Bukod sa NFT, ginagamit din ang teknolohiyang Israeli sa drip irrigation upang makatipid ng 90% sa tubig at lupang ginagamit, mabawasan ang kemikal, at matiyak ang tuloy-tuloy na produksiyon ng dekalidad na gulay sa buong taon.

Kabilang sa mga produktong itinatanim sa greenhouse sa Bulacan ay melon at kamatis.

Ang MPAV, isang subsidiary ng Metro Pacific Investments Corporation (MPIC) na pinamumunuan ni Manuel V. Pangilinan, ay may layuning magtayo ng sampung greenhouse facility sa iba’t ibang panig ng bansa.

Plano ng MPAV na makapagtayo ng hindi bababa sa dalawang greenhouse satellite bawat taon.

Layon ng inisyatibang ito na tugunan ang problema sa hindi matatag na suplay at mataas na gastusin sa produksyon sa pamamagitan ng pagkakaroon ng maaasahang pinagkukunan ng sariwang gulay para sa mga negosyo at mamimili.

Ang mga produkto ng MPAV ay ibinebenta sa ilalim ng brand na “More Veggies Please” sa mga supermarket sa Metro Manila. Philippine News Agency