Inuman Source: File photo ni JOJO CESAR MAGSOMBOL

2 agaw-buhay sa pamamaril sa Malabon; 2 suspek tiklo

Edd Reyes Aug 30, 2024
73 Views

DALAWA ang agaw-buhay nang pagbabarilin ng dalawang lalaki na naka-motorsiklo ang grupo ng mga nag-iinumang lalaki anoong Biyernes sa Malabon City.

Isinugod ng kanilang mga kainuman sa Tondo Medical Center ang mga biktimang sina Kenjie Mondejar, 24, at Jomarie Cardinas, 22, na nagtamo ng tama ng bala sa iba’t-ibang parte ng katawan.

Tumakas agad ang mga suspek sakay ng puting Honda PCX patungo sa Gov. Pascual Avenue, Brgy. Concepcion.

Sa ulat kay Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan, nag-iinuman ang mga biktima sa Sitio 6,, Gov. Pascual, Brgy. Catmon nang dumating ang mga suspek dakong alas-3:55 ng umaga at pinaulanan ng bala ang mga nag-iinuman.

Nagsagawa ng follow-up operation sina P/Capt. Melanio Medel Valeta III, commander ng Police Sub-Station 4, na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek na sina alyas Paulo, 21, at alyas Alfredo, 39, dakong alas-5:10 ng umaga sa Libis Espina St. Brgy. 18, Caloocan City.

Nakuha sa mga suspek ang isang kalibre .38 baril na may siyam na bala pati na ang motorsiklong ginamit sa pamamaril.

Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa pamamaril habang inihahanda na ang kasong frustrated murder na isasampa laban sa kanila ng pulisya sa Malabon City Prosecutor’s Office.