Calendar
Iniharap ni Police Lt.Col.,Norman Patnaan, hepe MPD Malate Police 9, ang mga Akyat Bahay suspek.
JONJON C. REYES
2 ‘Akyat Bahay’ naispatan habang lumalabas sa residenteng ninakawan
ARESTADO ang dalawang kelot na Akyat Bahay suspects ng mga operatiba ng Manila Police District Malate Police Station 9 katulong ang mga barangay opisyal matapos maisapatan ang mga ito sa loob ng isang bahay sa A. Roxas corner Dian Streets sa Brgy. 756, Malate, Maynila, madaling araw ng Sabado.
Nakilala ang mga suspek na sina alyas Jhon, 31, binata, nakatira sa Singalong St., Barangay. 724, Malate; at alyas Mark Brian, 36, binata, nakatira sa Kalatagan St., Barangay. Palanan, Makati, City.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Norman Patnaan, hepe ng MPD Malate Police, bandang 2:25 ng madaling araw nang mangyari ang panloloob umano ng mga suspek sa isang tahanan.
Ang mga suspek ay nakilala ng biktima.
Ayon sa paunang imbestigasyon, sina John Paul Perez Francisco at Evie Balsomo Capoquian, kapwa barangay tanod, ay nagpapatrol sa Barangay 756 nang mamataan nila ang mga suspek na lumalabas sa gate ng tahanan na kanilang ninakawan sa A. Roxas St.
Naaktuhan pa ang mga suspek na hawak pa ang umano’y mga ninakaw na gamit.
Agad na inireport ang nasabing pangyayari sa himpilan ng pulisya at mabilis rumesponde sina PSSg Antonio Agustin Jr at Pat Nickt Legaspi.
Ikinanta ng suspek ang kanilang modus, tinuga ang kasabwat at kung nasaan ang mga gamit na nakulimbat.
Nagsagawa ng follow up operation ang mga tauhan ni PLt. Col. Norman Patnaan kung saan tinumbok ang lungga ng isa pang suspek na nagresulta sa pagkaaresto at pagrekober sa mga ninakaw na gamit na aabot sa mahigit P20,000.
Ayon sa may ari ng bahay, nawala ang isang Sembrant Speaker, pink na backpack, tatlong tsinelas, pabango, iba’t ibang accessories, kahon ng alahas na naglalaman ng iba’t ibang barya, cotton buds, Watsons eco bag, hair blower, flashlight, drill na may charger, coin box na may mga barya, at itim na plstic bag.
Kasalukuyang nakakulong ang mga suspek sa Custodial Facility ng nasabing istasyon. Inihahanda na ang reklamo para sa paglabag sa Art. 299 ng RPC o “Robbery in an Inhabited House” laban sa mga suspek. Ito ay ihahain para sa inquest proceedings sa City Prosecutor’s Office ng Maynila.
Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong Paglabag na Art. 299 ng Revised Penal code o “robbery in an inhabited house”.

