Calendar
NCRPO iniutos masusing imbestigasyon sa Makati ambush
NABAWI ng mga tauhan ng Southern Police District (SPD) Special Investigation Team (SIT) ang motorsiklong gamit ng mga salarin sa pananambang sa Makati sa 35-anyos na babaing manager ng isang condominium sa Taguig City.
Sa ulat ni SPD Director P/BGen. Rodel Pastor kay National Capital Region Police Office (NCRPO) OIC P/BGen. Christopher Abrahano, tumutugma ang Yamaha Gravis na kanilang nabawi sa kulay, brand, at plate number ng motorsiklong gamit ng mga salarin nang tambangan ang biktima sa kahabaan ng Chino Roces Avenue. Brgy. Pio Del Pilar sa Makati City noong Huwebes ng umaga.
Natuklasan din ng SIT na ang plakang nakakabit sa ginamit na motorsiklo ng mga suspek ay mula sa isang Honda PCX, batay na rin sa kanilang pakikipag-ugnayan sa Land Transportation Office (LTO).
Ayon kay BGen. Pastor, nagawang mabawi ng kanyang mga tauhan ang motorsiklo, sa ginawang forward at backtracking sa kuha ng mga CCTV sa lugar na pinangyarihan ng krimen at sa mga kalsadang tinahak ng mga suspek habang tumatakas.
Napagalaman na inabandona ng mga suspek ang gamit na motorsiklo sa labas mismo ng tirahan ng isa sa salarin sa hindi na muna tinukoy na lugar sa Metro Manila makaraang isagawa ang pananambang.
Tukoy na rin ng kapulisan ang pagkakakilanlan sa mga suspek na nagsagawa ng pananambang sa biktimang si Ruby Jeane Carlos, manager ng Rise Condominium, bagama’t hindi muna binanggit ang kanilang mga pangalan habang hindi pa nadarakip.
Nasa maayos ng kalagayan sa pinagdalhang pagamutan ang biktima matapos magtamo ng tama ng bala sa hita at binti mula sa walong bala na pinakawalan ng mga suspek.
Nakatuon ang imbestigasyon pulisya sa posibleng motibo sa pananambang sa hindi pagkakaunawaan ng biktima at ng isang nangungupahan sa condominium na may kinalaman sa kakulangan ng supply ng tubig at kuryente.
Samantala, inatasan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang Southern Police District (SPD) na magsagawa ng masusi at komprehensibong imbestigasyon sa nasabing pamamaril.
Sa inilabas na direktiba ni NCRPO Officer-in-Charge P/BGen. Christopher Abrahano kay SPD Director P/BGen. Rodel Pastor at sa Makati City Police, iniutos niya na gamitin ang lahat ng kinakailangang investigative at intelligence resources upang matukoy, mahanap at maaresto ang mga responsable sa insidente, gayundin upang malaman ang motibo sa pamamaril
Batay sa ulat, nakasuot umano ang mga suspek ng unipormeng nauugnay sa isang motorcycle ride-hailing service nang isagawa ang pananambang sa 35-anyos na biktima habang nagmamaneho ng kanyang sasakyan at tinatahak ang kahabaan ng Chino Roces Avenue, Bry. Pio Del Pilar, Makati City dakong alas-6:50 ng umaga.
Nagbabala si PBGen. Abrahano laban sa mga indibidwal na maaaring gumagamit ng ride-hailing uniforms upang itago ang kanilang pagkakakilanlan habang nagsasagawa ng mga kriminal na aktibidad.
Kaugnay nito, sinabi ni PBGen. Abrahano na pinag-aaralan na ng NCRPO ang pagsasagawa ng dayalogo kasama ang mga motorcycle ride-hailing companies upang matukoy ang mas matibay na mekanismo para madaling makilala ang mga lehitimong rider mula sa mga indibidwal na maaaring gumagamit ng pekeng uniporme, identification card, helmet, o iba pang pagkakakilanlan na nauugnay sa mga naturang kumpanya.
Pinaalalahanan naman ng NCRPO ang publiko na agad ipagbigay-alam sa pulisya ang anumang kahina-hinalang indibidwal, kilos, o aktibidad na kanilang mapapansin upang maagapan ang posibleng krimen at mapanatili ang kaligtasan sa komunidad.

