Bangkay

Kelot lumutang na bangkay pagkatapos gumuho ang bahay

100 Views

NATAGPUANG lumulutang sa San Francisco River sa Barangay Damayan, Quezon City ang bangkay ng isang 37-anyos na lalaki, tatlong araw matapos siyang mawala nang gumuho ang bahay na kanyang tinutuluyan dahil sa malakas na ulan.

Kinilala ang biktima na si alias Jay na natagpuan dakong alas-8:45 ng umaga noong Setyembre 24.

Ayon sa Quezon City Police District (QCPD), nawawala si Jay mula alas-11:30 ng gabi noong Setyembre 20 matapos gumuho ang bahay na kaniyang tinutuluyan sa gilid ng isang sapa sa Barangay Balingasa.

Nang mapansin ng isang residente ang bangkay na palutang-lutang sa ilog, agad niya itong ipinagbigay-alam sa mga opisyal ng Barangay Damayan, na humingi naman ng tulong sa pulisya.

Isinailalim sa pagsusuri ng Scene of the Crime Operations (SOCO) team ang bangkay bago ito dinala sa punerarya.

Namamaga na at nagsisimula nang mabulok ang bangkay nang matagpuan.

Samantala, ayon sa isang ulat, bago ang insidente ay sinagip ni Jay ang kaniyang mga kapitbahay na nakita niyang nalulunod, kabilang ang isang babae at ang dalawang anak nito.

“Hindi ko alam kung paano masasabi ang salamat, pero salamat talaga. Isinakripisyo mo ang sarili mo para mailigtas mo lang kami,” ani ng ina ng dalawang batang sinagip ni Jay.

Ayon naman sa kapatid ng biktima, wala nang balak ang kanilang pamilya na magsagawa pa ng karagdagang imbestigasyon dahil kumbinsido silang walang foul play at aksidente ang sinapit ni Jay.