Calendar

2 construction worker utas sa gumuhong mall project
DALAWANG obrero ang nasawi nang gumuho ang bahagi ng ginagawang mall noong Linggo sa Sta. Rosa-Tagaytay Road, Barangay Sto. Domingo, Sta. Rosa City, ayon kay Mayor Arlene Arcillas.
Kinumpirma ng alkalde na nasawi ang dalawang construction worker habang nagbubuhos ng semento.
Nagpalabas na ng work stoppage order si Arcillas sa contractor ng ginagawang mall habang hindi pa tapos ang imbestigasyon.
Nakatakdang mag-inspeksyon ang City Building Official at City Engineering Office ng Santa Rosa City sa gumuhong building sa Martes.
Ang pagguho sa ginagawang SM Mall-Yulo Construction Site ay naganap alas-10:30 ng umaga.
Ayon sa ulat, nagbubuhos ng semento sa building site nang biglang bumigay ang flooring kaya natabunan ang mga biktimang sina alyas Sosemo, 29-anyos, at alyas Bermas, 42-anyos.
Kapwa empleyado ng A. Lopez Construction ang dalawa at nasa kalagitnaan ng concreting works nang biglang bumagsak ang slab at tumabon sa kanila.
Matapos ang halos tatlong oras na retrieval operations, natagpuan ang dalawang biktima bandang alas-4 ng hapon.
Isinugod sa ospital ang dalawa para magamot at doon na nalagutan ng hininga.