Suspek

2 kelot buking sa pagbebenta ng ninakaw na P86K Pokemon cards

17 Views

ARESTADO ang dalawang lalaki matapos maaktuhang nagbebenta ng mga nakaw na Pokémon collectible cards na nagkakahalaga ng mahigit ₱86,000 sa isang entrapment operation ng Quezon City Police District (QCPD) sa Barangay Bagumbayan, Quezon City, Lunes ng gabi.

Kinilala ang mga suspek sa alyas na “Jun,” 25, at “Vin,” 26, kapwa residente ng Pasay City.

Sa ulat ng QCPD, nawawala ang bag ng mga biktima na naglalaman ng kanilang personal na gamit habang nasa isang mall sa Barangay Ugong Norte noong Nobyembre 8.

Kinabukasan, nakatanggap sila ng impormasyon na ibinebenta na ang kanilang mga gamit kaya agad silang dumulog sa pulisya.

Nagsagawa ng entrapment operation ang mga tauhan ng Police Station 12 at dakong alas-10 ng gabi nang makipagkita ang mga suspek sa mga biktima sa E. Rodriguez Avenue, Barangay Bagumbayan, bitbit ang mga nakaw na gamit.

Nakumpiska sa mga suspek ang mga Pokémon cards na nagkakahalaga ng ₱24,000, isang Pidgeot EX Great Ball League Stamp Card na nagkakahalaga ng ₱62,000, isang binder na naglalaman ng 546 Pokémon cards, cellphone at eco bag.

Nakuha rin kay alyas Jun ang isang gramo ng hinihinalang marijuana na nagkakahalaga ng ₱1,500.

Nahaharap ang dalawa sa kasong paglabag sa Anti-Fencing Law, habang may karagdagang kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act si alyas Jun.