Ilog

Negosyante inambush ng RIT, tumalon sa ilog, malubhang sugatan

Edd Reyes Nov 10, 2026
38 Views

TUMALON sa ilog ang 59-anyos na negosyante na malubhang nasugatan nang tambangan ng magka-angkas sa motorsiklo sa Malabon City.

Kaagad namang naisugod ng mga tauhan ng barangay ang biktimang si alyas “Boy Brocha”, residente ng Rosal St. Panghulo, Obando, Bulacan sa Valenzuela Medical Center kung saan kasalukuyan pa siyang ino-obserbahan matapos gamutin ang mga tama ng bala sa kaliwang pisngi, ibabang bahagi ng tenga, likod at kaliwang hita.

Sa ulat na ipinadala ni Malabon police chief P/Col. Kenneth Mission kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, naglalakad sa Megadike sa Brgy. Dampalit ang biktima dakong alas-3:15 ng hapon noong Linggo nang pagbabarilin ng mga suspek na bumaba pa sa kanilang sinasakyang pulang motorsiklo.

Sa kabila ng mga tama ng bala, nagawa pang makatalon sa ilog ang negosyante kayat mabilis ng tumakas ang mga suspek.

Nakuha ng mga operatiba ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang isang depormadong bala na hinihinalang mula sa kalibre .45 pistola habang patuloy na nagsasagawa ng follow-up operation ang pulisya para sa ikadarakip ng mga suspek at alamin ang motibo sa pananambang.