Toyota Ang Toyota Vios na may sakay na mga pekeng yosi at nahuli sa checkpoint sa Zaragosa, Nueva Ecija noong Biyernes. Kuha ni Steve Gosuico

2 kelot na may dalang P150K pekeng yosi, huli sa checkpoint

Steve A. Gosuico Nov 9, 2024
49 Views

ZARAGOZA, Nueva Ecija–Naghihimas na ng malamig na rehas ang dalawang lalaki sa bayang ito matapos mahuli sa checkpoint na may kargadang pekeng sigarilyo na nagkakahalaga ng P150,000 noong Biyernes.

Na-flag down ang dalawa na sakay ng dark brown Toyota Vios sa checkpoint sa Brgy. Sto. Rosario Young dakong alas-11:45 ng umaga.

Kinilala ni Major Gregorio Bautista, hepe ng pulisya, ang nahuling suspek na 42-anyos na driver at 44-anyos na pahinante ng Bgy. San Francisco, San Antonio, Nueva Ecija.

Nakita ng mga pulis na may kargang 11 kahon ng Carnival at dalawang kahon ng HP cigarettes na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P150,000, ayon sa report.

Sinabi ni Bautista na nabigo ang dalawang suspek na magpakita ng mga kaukulang dokumento kaugnay ng kargamento, na humantong sa pagkakaaresto sa kanila at pagkakasamsam ng mga kontrabando.

Mga kasong paglabag sa Tobacco Regulation Act of 2003 o Republic Act 9211 ang kakaharapin ng dalawang suspek.

“Ang mga indibidwal na ito dapat harapin ang hustisya bilang isang paalala na ang mga ilegal na aktibidad walang lugar sa Nueva Ecija,” sabi ni Nueva Ecija police chief Col. Ferdinand Germino.