2 nagnakaw sa QC lotto outlet huli

34 Views

TIMBOG ang dalawang hinihinalang magnanakaw at nakatakas ang isa pang suspek na nanloob sa lotto outlet sa Brgy. Bagbag, Novaliches, Quezon City noong Mayo 21.

Kinilala ang mga suspek na sina alyas Kirk, 33; at Angenelle, 25, ayon sa ulat ng Novaliches Police Station 4 sa pamumuno ni P/Lt. Col. Dave Anthony Capurcos.

Nadiskubre ng lotto teller ang panloloob dakong alas-7:55 ng umaga noong Mayo 20 kaya ini-report sa may-ari na humingi naman ng tulong sa QC Helpline 122.

Nagresulta sa pagkakaaresto sa dalawang suspek ang sumbong dakong alas-3:30 ng hapon sa Coronel compound, Brgy. Bagbag, Novaliches.

Nakatakas naman ang isa pa nilang kasabwat at hindi mahuli ng mga pulis.

Narekober sa operasyon ang ninakaw na lotto betting machine na nadiskubreng wasak na.

Itinuro ng isang testigo ang mga suspek na nakita umanong pagala-gala sa loob ng lotto outlet bago maganap ang panloloob.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong robbery na isasampa sa Quezon City Prosecutor’s Office.

Ayon kay PBGen. Randy Glenn Silvio, paiigtingin pa ng QCPD ang kampanya laban sa kriminalidad upang mapanagot ang mga sangkot sa krimen.