Arestado

2 nagpa-gas sabay takas sa Payatas huli

233 Views

NAARESTO na ang dalawa sa tatlong suspek na tumakas matapos magpakarga ng gasolina sa Brgy Payatas noong Abril 20.

Ayon sa Payatas Bagong Silangan Police Station 13, bandang alas-3:10 ng madaling araw nang magpakarga ng gasolina na nagkakahalaga ng P1,500 ang lalaking sakay ng puting Toyota Vios.

Ngunit matapos mapakargahan, bigla na lamang humarurot patungong Litex, Brgy. Commonwealth ng hindi nagbabayad.

Natukoy ang rehistradong may-ari ng sasakyan sa Taguig City na nagsabing naibenta na niya ang kotse noong 2021 sa isang alyas Christian.

Sa imbestigasyon, ipinahiram umano ni Christian ang sasakyan sa kasamahan niyang si alyas Tyrone, 35, na natunton kasama ang kanyang kasabwat na si alyas Ricky sa Montalban, Rodriguez, Rizal.

Lumabas na may nauna ng kaso si Tyrone na serious physical injuries noong Pebrero 2017 sa isang gasolinahan sa Brgy. Balite, Rodriguez, Rizal.

Patuloy ang hot pursuit operation laban sa ikatlong suspek na si alyas Botchoy, na may mga naunang kaso ng paglabag sa RA 9165 noong Hulyo 2017 at frustrated murder noong Pebrero 2020.

Mahaharap ang dalawang naarestong suspek sa kasong estafa at isasailalim sa inquest proceedings sa Quezon City Prosecutor’s Office.