Suspek

2 nangholdap na, nanggahasa pa

Edd Reyes Sep 8, 2024
23 Views

NATIKLO ng mga pulis noong Sabado ang isa sa dalawang suspek na umano’y nagnakaw na nanghalay pa ng bebot sa loob ng sasakyan sa Paranaque City.

Dalawang araw matapos mangyari ang pagnanakaw at panggagahasa sa 32-anyos na biktimang si alyas Thi, naaresto ng pulisya ang driver ng ride-hailing app na si alyas Andy, 36, habang nakikipaglamay sa nakaburol na kapitbahay Sabado ng gabi sa Cabuyao, Laguna.

Ayon kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Leon Victor Rosete, sinundo ng green Toyota Vios ang biktima matapos magpa-book sa isang ride hailing app noong Setyembre 5.

Hindi pa nakalalayo ang sasakyan nang huminto at pinasakay ng driver ang kanyang kasabwat na siyang tumutok ng patalim sa biktima at puwersahang kumuha sa kanyang P35,000 cash at iPhone 12.

Matapos makuha ang salapi at gamit ng biktima, sa loob na rin ng sasakyan siya ginahasa ng mga suspek at nang makaraos, piniringan ang mga mata saka iniwan sa Brgy. San Dionisio, Paranaque.

Naakita ang biktima ng concerned citizen na tumulong sa kanyang makauwi ng bahay.

Humingi ng tulong si Thi sa Sto Niño Police Substation kaya natunton ang plaka ng sasakyan at natukoy sa pamamagitan ng rehistro ang lugar ng suspek sa Cabuyao, Laguna.

Bago maghatinggabi noong Sabado, nadakip ang suspek at nakuha sa kanyang sasakyan ang iPhone 12 ng biktima, isang itim na brass knuckle, patalim at kalibre .45 na baril na may magazine.

Ikinanta rin ng suspek sa pulisya ang kasabwat niya na si alyas Pogi na tinutugis pa ng mga pulis.

Iprinisita na ng mga pulis sa Paranaque City Prosecutor’s Office si alyas Andy upang isailalim sa inquest proceedings kaugnay sa mga kasong robbery with rape at paglabag sa RA 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Regulation Act na isasampa laban sa kanya.