Calendar

2 pulis napigilan tinedyer na tumalon mula overpass sa La Union
DALAWANG miyembro ng Philippine National Police (PNP) na nakatalaga sa San Fernando City Police Station sa La Union ang nagpakita ng kahanga-hangang kabayanihan nang mailigtas nila ang isang kabataang nagtangkang magpakamatay noong hapon ng Mayo 3.
Ayon sa ulat ng Police Regional Office 1 (PRO1), habang naka-duty sa Police Assistance Box 6 sa ilalim ng Odeon Crossing Overpass sina Police Staff Sergeant Quincy Von Obillo at Police Master Sergeant Junvy Buduan, sila ay nilapitan ng isang concerned citizen na nag-report na may isang taong nagbabalak tumalon mula sa overpass.
Agad na kumilos si PSSg Obillo at rumesponde sa lugar kung saan nakita niyang nakatayo na sa ibabaw ng railings ang teenager. Hindi na siya nagdalawang-isip at agad niyang itong niyakap sa bewang ang teenager upang mapigilan itong tumalon.
Dumating din kaagad si PMSg Buduan kasama ang ilang traffic enforcers upang tumulong sa pagbaba ng teenager sa ligtas na paraan, ayon kay PRO1 director, Brigadier Gen. Lou F. Evangelista.
Agad na isinugod sa Ilocos Training and Regional Medical Center ang teenager para sa agarang medikal na atensyon. Matapos ang pagsusuri at pag-aalaga, nakauwi rin siya kasama ang kanyang ina.
“Ang kanilang tapang at malasakit ay sumasalamin sa tunay na diwa ng pagiging isang lingkod-bayan. Hindi lang ito pagpapatupad ng batas—ito ay paglilingkod na nagliligtas ng buhay. Ang PNP ay palaging handang maglingkod at magprotekta sa bawat buhay ng Pilipino, lalo na sa mga higit na nangangailangan ng tulong. Ang kapuri-puring aksyon na ito ay paalala sa lahat na ang Philippine National Police ay hindi lamang puwersa para sa kapayapaan at kaayusan, kundi isa ring puwersa ng pagkalinga, malasakit, at makataong paglilingkod,” ani Marbil.
Kaugnay nito, hinihikayat ng PNP ang publiko na maging mapagmatyag sa kalagayan ng kaisipan at damdamin ng ating mga mahal sa buhay at agad na humingi ng tulong o mag-report kung may nnapapansing senyales ng matinding pagkalungkot o pagkabalisa.