Calendar
2 senador nagbabala vs POGO na susuway sa ban
Pinanindigan nina Senador Sherwin Gatchalian at Deputy Minority Leader Senador Risa Hontiveros ang kahalagahan ng papel ng mga local government units (LGUs) at mas matibay na batas upang masiguro ang ganap na pagtanggal ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa bansa bago matapos ang taon.
Ang panawagan ay kasabay ng nalalapit na deadline ng nationwide POGO ban na iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Gatchalian, na siyang chairperson ng Senate Committee on Ways and Means, kailangang aktibong magbantay ang mga LGU sa kanilang nasasakupan para sa anumang palatandaan ng natitirang aktibidad ng POGO. Binanggit niya ang ulat na ang ilang operator ay lumilipat sa mas maliliit at tagong operasyon sa mga lalawigan upang makaiwas sa mga awtoridad.
“Nagiging maliliit na grupo na nagtatakbuhan sa mga probinsya ang mga POGO. Dito na papasok ang papel ng mga lokal na pamahalaan na maging mapagmatyag at maging alisto sa ganitong mga pangyayari,” ani Gatchalian.
Binanggit niya ang kamakailang raid sa Panabo City, Davao del Norte, kung saan umano inilipat ang mga dayuhang manggagawa matapos ang pagsasara ng isang POGO hub sa Metro Manila.
Binalaan din ni Gatchalian ang mga lokal na opisyal na ang pagkabigong tugunan ang mga hinihinalang POGO operations sa kanilang lugar ay maaaring magresulta sa mga legal na parusa.
Tinukoy niya ang pagsuspinde kay Porac, Pampanga Mayor Jaime Capil at sampu pang iba dahil sa gross neglect of duty na may kaugnayan sa POGO operations sa kanilang nasasakupan. Iginiit ni Gatchalian na kailangang maging accountable ang LGUs sa mga nangyayari sa kanilang lugar.
“Hindi pwedeng sabihin ng mga LGU na hindi nila alam ang nangyayari sa kanilang mga nasasakupan dahil walang ibang mas nakakaalam ng mga nangyayari sa kanilang lugar kundi ang mismong mga taga LGU. Dapat maging alerto sila. Kung may mga ganyang aktibidad sa lugar nila, sila na mismo ang magpahinto. Dyan sumasabit ang mga LGU — ‘yung kapag sinasabi nilang hindi nila alam,” dagdag ni Gatchalian.
Hinimok din niya ang mga LGU na makipagtulungan sa mga ahensyang nagpapatupad ng batas, tulad ng Philippine Amusement Gaming Corporation (PAGCOR) at iba pang regulatory bodies, upang masiguro ang ganap na pagtigil ng operasyon ng POGO sa Enero 2025.
Samantala, muling iginiit ni Hontiveros ang matagal na niyang pagtutol sa POGOs at co-sponsor ng Senate Bill No. 2868, na naglalayong ipagbawal at paalisin ang mga POGOs sa bansa nang permanente. Sa kanyang talumpati noong Lunes, kinondena niya ang POGOs dahil sa pagkakaugnay nito sa korapsyon, pag-iwas sa buwis, at iba pang krimen, kabilang na ang human trafficking at prostitusyon.
“Nangako sila ng trabaho at tulong—pero ang tunay nilang dala ay karumal-dumal na panloloko, abuso, at panganib,” ani Hontiveros, na tumukoy sa resulta ng isang imbestigasyon ng Senado na pinamunuan niya.
Binatikos din niya ang nakaraang administrasyon dahil sa pagpayag nitong lumaganap ang POGOs, na tinawag niyang isang malaking pagkakamali na naglagay sa publiko sa panganib.
Habang pinupuri ang administrasyong Marcos sa executive order nito laban sa POGOs, binanggit ni Hontiveros na may mga paunang butas na nagbigay-daan sa ilang operator na magpatuloy ng operasyon.
“I hope this bill closes all loopholes and puts an end to POGOs, IGLs, or similar entities under any guise,” aniya.
Inanunsyo rin niya ang plano niyang maghain ng mga amyenda upang patawan ng mas mabigat na parusa ang mga opisyal ng gobyerno na mapapatunayang kasabwat sa POGO operations.
Kapwa binigyang-diin nina Gatchalian at Hontiveros ang kahalagahan ng mga hakbangin sa lehislatura na susuporta sa executive order upang masiguro ang tuluyang pagpapatupad ng POGO ban. Kung maipapasa, magbibigay ang Senate Bill No. 2868 ng legal na balangkas upang ipagbawal nang permanente ang POGOs at tugunan ang mga panganib na dulot nito.
Ang mabilis na pag-apruba ng panukalang batas na ito ay nakikitang mahalagang hakbang upang maprotektahan ang seguridad ng bansa at ang kapakanan ng publiko.