Sibak SIBAK — Ipinapakita ni Manila Mayor Isko Moreno ang sinibak niyang dalawang traffic enforcer ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) matapos na iniharap ni MTPB Officer-in-Charge Dennis Viaje dahil sa pangongotong sa A. H. Lacson Ave., Sampaloc, Manila. Kuha ni JON-JON REYES

2 traffic enforcer sibak sa pangongotong sa truck driver

Edd Reyes Jul 18, 2025
274 Views

INIUTOS ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang pagsibak sa tungkulin ng dalawang traffic enforcers na nasangkot sa pangongotong ng sinitang truck driver sa Sampaloc, Manila.

Iprinisinta ni Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) Officer-in-Charge Dennis Viaje kay Mayor Isko Moreno ang dalawang enforcers na nakatalaga sa Traffic Sector IV, matapos mag-viral sa social media ang video na kuha ng isang concerned citizen habang kinokotongan ng dalawa ang truck driver sa kahabaan ng A. H. Lacson Avenue.

“Kitang-kita sa video, hinaharbatan o kinokotongan ‘yung isang truck driver sa may Lacson. Immediately, about 6 a.m. today, I requested Director Viaje to call the attention of these two enforcers,” pahayag ni Yorme Isko.

“Itong dalawang tolongges na ito, hindi po ito tolongges na pakalat-kalat lang sa kalsada, ito po’y tolongges ng gobyerno naman. Sila po’y bahagi ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila, kasama naming empleyado, bahagi ng gobyerno ng ating siyudad,” paliwanag pa ng alkalde.

Binigyang-diin ng alkalde na mahigpit ang kanyang tagubilin kaugnay sa pagpapairal ng “one strike policy” sa mga mahuhuling nangongotong kaya’t kaagad niyang iniutos ang agarang pagsibak sa tungkulin ng dalawa.

“As I have said and directed, one strike policy, walang second chance. Hindi po ito relasyon ng mag-syota na nagpapatawad. Nagdidisiplina kami tapos kami hindi magdidisiplina?” dagdag ni Yorme.

“Kaya maging takdang aral sana ito sa lahat ng kawani ng ating pamahalaan. Kapag kayo ay nang-api, nang-abuso, nag-agrabiyado ng mamamayan, hindi kami mangingimi na kayo ay kasuhan,” dagdag pa ng alkalde.

Kinumpiska na rin ni Viaje ang mga uniporme at ID ng traffic enforcers habang nanawagan naman ang alkalde sa truck driver na maghain ng kaukulang reklamo laban sa dalawa.