Calendar

20 police ops sa R4-A nakabingwit ng 32 suspek na tulak, P399K droga
KAMPO BGEN Vicente Lim–Umabot sa 32 suspek sa pagbebenta ng bawal na gamot ang naaresto sa 20 operasyon noong Biyernes ng Police Regional Office 4A sa pangunguna ni P/BGen. Paul Kenneth Lucas, ang hepe ng pulisya ng Region 4A.
Nakumpiska ang tinatayang 58.45 na gramo ng shabu at 19.48 na gramo ng marijuana na humigit-kumulang P399,797.60 ang halaga.
Ayon kay P/BGen. Lucas, ang mga operasyon resulta ng intelligence gathering, epektibong koordinasyon ng mga yunit ng pulisya at aktibong pakikiisa ng komunidad sa kampanya kontra ilegal na droga.
“Ang tagumpay na ito patunay na buo ang suporta ng mamamayan sa ating kampanya.
Hinihikayat natin ang patuloy na kooperasyon ng publiko upang tuluyang masugpo ang salot na ilegal na droga,” pahayag ni Lucas.
Nakapiit ang mga naarestong suspek at nahaharap sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).