nahulog

24-anyos na estudyante ng law nahulog sa condo sa Taguig, tsugi

Edd Reyes Sep 20, 2026
175 Views

DEDO ang 24-anyos na law student nang mahulog mula sa ika-16 na palapag ng tinutuluyang condominium sa Bonifacio Global City (BGC), noong Biyernes ng umaga sa Taguig City.

Unang narinig ng babaing security personnel ng Fort Victoria Building na si alyas “Kris” ang malakas na lagabog nang buksan niya ang pinto ng barracks sa ika-apat na palapag dakong alas-7:30 ng umaga na narinig din ng mga tenants at maintenance crew.

Nang kanilang puntahan ang lugar, tumambad sa kanila ang duguan at wala ng buhay na katawan ng biktima.

Wala pang nakikitang malinaw na motibo sa malagim na insidente ang mga imbestigador lalu na’t wala namang problema sa pananalapi ang estudyante.

Patuloy ang isinasagawang pagsisiyasat ng pulisya at ng Forensic Unit ng Southern Police District habang hinihintay pa ng mga imbestigador ang pasiya ng pamilya ng biktima kung papayag silang isailalim sa awtopsiya ang bangkay ng nasawi.

Nanawagan naman ang pulisya sa publiko at sa mga netizen na iwasang magpahayag o mag-post sa social media ng hindi beripikadong impormasyon kaugnay sa insidente, pati na ang pag-uugnay sa apelyido ng estudyante sa isang nasasangkot sa maanomalyang mga flood control projects.