Calendar
Ugnayan sa LGUs, paaralan palalakasin ng NCRPO
TINIYAK ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na palalakasin nila ang pakikipag-ugnayan sa mga local government units (LGUs), mga administrador at kawani ng paaralan, mga security officer at iba pang stakeholder.
Ginawa ni NCRPO Officer-in-Charge P/BGen. Christopher Abrahano ang pahayag upang mapahusay ang kaligtasan at seguridad sa mga paaralan sa buong Metro Manila, kasunod ng pamamaril sa eskwelahan sa South Cotabato na kinasasangkutan ng ilang mag-aaral.
Nakiramay ang NCRPO sa mga estudyante, pamilya, guro, at buong komunidad ng paaralan na naapektuhan ng insidente.
Tatlong estudyante ang nasawi, kabilang ang batang nasangkot sa paglabag sa batas, at walo pa ang nasugatan.
Sinabi ni Abrahano na ang gagawin nilang hakbang ay alinsunod sa direktiba ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla at Philippine National Police (PNP) Chief General Jose Melencio Nartatez Jr.
Hihikayatin din ng NCRPO ang wastong pag-iingat ng mga legal na nagmamay-ari ng baril upang matiyak na hindi ito maaabot ng mga menor-de-edad, pati na ng mga hindi awtorisadong tao, at makikipag-ugnayan din sila sa mga police unit sa PNP Anti-Cybercrime Group at iba pang kinauukulang ahensya.
Binigyang-diin ng NCRPO na ang kaligtasan sa mga paaralan ay isang sama-samang responsibilidad na kinabibilangan ng mga pulis, guro at iba pang education personnel, mga magulang, estudyante, lokal na pamahalaan, school security personnel at buong komunidad.
“We will remain vigilant without creating fear. Our goal is simple: safer schools, better coordination, and a community that knows we are ready to act when it matters,” pagtitiyak ni Abrahano.

