OFW Sa isang post sa social media nitong Linggo, Hunyo 22, 2025, sinabi ng Philippine Embassy sa Israel na tinulungan ng kanilang team ang mga repatriate sa Allenby Border Crossing upang matiyak ang kanilang ligtas na pagtawid mula Israel patungong Jordan. Source: PH Embassy sa Israel

26 OFW naghahandang bumalik ng Pinas

18 Views

DALAWAMPU’T anim na overseas Filipino mula Israel ang bahagi ng voluntary repatriation program ng Philippine Embassy sa gitna ng tumitinding tensyon sa pagitan ng Israel at Iran.

Ayon sa embahada, tinulungan ng kanilang team, sa pangunguna ni Ambassador Aileen Mendiola, ang mga repatriates sa Allenby Border Crossing upang matiyak ang kanilang ligtas na pagtawid patungong Jordan. Mula roon ay pauwi na sila sa Pilipinas.

Nagbigay ang gobyerno ng kumpletong suporta, kabilang ang transportasyon, transit visa, travel documents, at plane ticket. Bago ang biyahe, nanatili sila sa shelter ng Department of Migrant Workers (DMW) kung saan tumanggap sila ng relief packages, libreng legal na tulong tungkol sa pikadon (final pay/benefits), at pre-departure briefing kaugnay ng kanilang reintegration benefits.

Ipinabatid din ng embahada na inaasahang susunod ang ikalawang batch na may 33 Pilipino para sa repatriation.

Itinaas na ng Pilipinas ang Alert Level 3 sa Israel at Iran, na nangangahulugang kusang-loob na repatriation, at hinihikayat ang mga Pilipinong naroon na mag-ingat at makipag-ugnayan sa mga kinauukulan kung nais umuwi.

Tinatayang may 30,000 Pilipino sa Israel—karamihan ay caregiver at domestic workers. Sa Iran naman, nasa 1,180 Pilipino ang naroon, karamihan ay may asawa nang lokal.

Patuloy na binabantayan ng Department of Foreign Affairs (DFA) at DMW ang sitwasyon at nakahanda para sa karagdagang repatriation kung kakailanganin.

Inaasahang darating sa Manila ang grupo ngayong linggo at sasailalim sa reintegration processing ng DMW at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA). PNA