Posas

3 bagitong parak nagwalwal sa bar, swak sa rehas sa QC

164 Views

IMBES na mga kriminal ang himas-rehas, tatlong bagitong pulis ang naghihimas ngayon ng malamig na rehas matapos magwalwal at magbasag ng bote ng alak sa resto bar sa Quezon City noong Biyernes.

Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) acting director P/Col. Randy Glenn Silvio, inaresto ang tatlong pulis na hindi pinangalanan habang iniimbestigahan.

Nakatanggap ng tawag sa 911 emergency hotline ang mga nakatalagang parak sa Anonas Police Station (PS-9) sa pamumuno ni P/Lt. Col. Leonie Ann Dela Cruz na may commotion sa isang bar sa Kamias Road, Brgy. Sikatuna Village, Quezon City, bandang alas-2:00 ng madaling araw.

Pagdating sa bar ng mga pulis nakita nila ang mga basag na bote ng beer na nakakalat sa sahig.

Sa pag-uusisa sa mga kostumer, natuklasan na tatlong lalaki na kalaunan ay nakilalang mga pulis ang responsable sa kaguluhan, na humantong sa agarang pag-aresto sa kanila.

Nakumpiska sa mga nagwalwal na parak ang dalawang 9mm pistol, mga magazine na may lamang 25 live ammunition at mga police identification card.

Sinampahan na ng kasong paglabag sa Article 155 ng Revised Penal Code (alarms and scandals) ang mga naarestong pulis.

“We will never tolerate any misconduct within our ranks. Every police officer must uphold discipline and serve as an example to the public,” giit ng QCPD chief.