3 ‘kawatan’ tiklo sa QC; granada, boga, bala nasabat

33 Views

ARESTADO ang tatlong pinaghihinalaang holdaper at nakuhanan pa ng sangkatutak na baril, bala, granada at construction tools nang muling magtangkang looban ang 7-Eleven outlet sa Quezon City noong Biyernes.

Batay sa imbestigasyon ni PSSg Anthony Empleo, gabi noong Agosto 14 nakatanggap ang District Special Operations Unit ng Quezon City Police District (QCPD) ng impormasyon tungkol sa posibleng robbery hold-up na isasagawa ng grupo na nambiktima na sa dalawang 7-Eleven outlets sakay ng Toyota Fortuner (AHJ-471).

Bandang alas-3:15 ng madaling araw noong Biyernes nagkasa ng checkpoint ang DSOU sa pangunguna ni P/Maj. Wilfredo T Taran Jr., kasama ang Galas Police Station 1, La Loma Police Station 1 at Bacoor police at naispatan ang nasabing Toyota Fortuner na umaaligid sa 7-Eleven sa kanto ng Champaca at Chuatoco Sts., sa Brgy Roxas District.

Nang mapansin ng mga suspek ang checkpoint nagtangka pa ang mga suspek tumakas pero nasakote sila ng mga awtoridad.

Kinilala ang mga suspek na sina Gary Caguioa, 43; Norman Belen, 28; at Joshua Niepes, 26.

Nakumpiska sa mga suspek ang 3 baril, sari-saring bala ng baril, 3 granada, uniporme ng 7-Eleven; iba’t-ibang personal na gamit; constructions tools martilyo, at ilang piraso ng improvised plate number.

Nabatid na halos walong 7-Eleven stores na ang nilooban ng mga suspek.