Holdap

3 kelot na nangholdap ng 2 bebot pinaghahanap

80 Views

NAHOLDAP ang dalawang babae ng tatlong lalaki sa Balingasa, Quezon City noong Setyembre 17 at nakuha ang dalawang iPhone 15 Pro Max ng mga biktima bago tumakas patungo sa Balingasa Road at A. Bonifacio Avenue.

Sa imbestigasyon ng La Loma Police Station 1, dakong alas-2:10 ng madaling-araw nang lapitan ng mga suspek sakay ng itim na motorsiklong walang plaka ang dalawang biktima sa Joy Aquino Cruz St., Brgy. Balingasa.

Isa sa mga suspek ang umano’y naglabas ng patalim habang kinuha ang mamahaling cellphones ng mga biktima.

Nakilala ang mga suspek na sina alyas Macoy, 21; Echo, 21; at Ine, 20. Si Macoy ay residente ng Malabon City, habang sina Echo at Ine ay kapwa taga-Caloocan City.

Ayon sa Quezon City Police District (QCPD), may mga kasong robbery, paglabag sa batas sa baril at iba pang paglabag sa batas ang tatlong suspek.

Inihahanda na ng QCPD ang mga dokumento para sa pagsasampa ng kasong robbery laban sa mga suspek sa Quezon City Prosecutor’s Office.