Calendar
3 kritikal matapos sumalpok jeepney sa poste sa QC
SUGATAN ang 17 pasahero, tatlo dito ang nasa kritikal na kondisyon matapos sumalpok ang isang modern jeepney sa poste ng traffic lights sa Cubao, Quezon City nitong Linggo ng hapon.
Sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD) Traffic Sector 3, alas-2:17 ng hapon nang mangyari ang aksidente sa kanto ng 15th Avenue at P. Tuazon Boulevard sa Barangay San Roque, Cubao.
Inamin umano ng driver ng modern jeepney na nakilalang si John Angelo Paseos na nakaidlip ito kaya nawalan ng kontrol at sumalpok siya sa poste ng traffic lights.
Wasak at nakasalpak pa sa poste ang unahang bahagi ng sasakyan nang dumating ang mga imbestigador at mga opisyal ng Barangay.
Dinala sa ospital ang 17 sugatan, kung saan tatlo dito ang nasa kritikal na kondisyon matapos maipit sa bus.
Sa kuwento naman ng isang pasahero na nakaupo sa dulong upuan, nasa Montalban, Rizal pa lamang ay pa-zigzag na umano ang pagmamaneho ng driver ng modern jeepney.
Dinala na sa QCPD Sector 3 ang driver habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kaniya.

