Sunog Source BFP Paranaque City

3 palapag ng commercial building sa Paranaque tinupok ng sunog

Edd Reyes Sep 26, 2026
161 Views
Sunog1
Source BFP Paranaque City

SUMIKLAB ang malaking sunog na tumupok sa tatlong palapag na gusaling pang-komersiyo Biyernes ng bago maghating-gabi sa Paranaque City.

Mahigit pitong oras na tumagal ang sunog na nagsimula alas-11:27 ng gabi sa gitnang bahagi ng gusali ng Richland Building sa kanto ng Pilipinas St. at Dr. A. Santos Avenue, United Paranaque Subdivision 5, Brgy San Isidro, na inookupa ng hardware store.

Ayon sa security guard ng gusali na si Ariel Seva, pasado alas-11 ng Biyernes ng gabi nang makarinig siya ng pagsabog sa gitnang bahagi ng gusali na hindi aniya niya pinansin dahil madalas magkaroon ng lagabog sa loob dulot ng mga nasasaging balde ng pintura ng mga pusa.

Huli na aniya nang matuklasan niyang umaapoy na pala ang bahagi ng bodegang pinag-iimbakan ng mga panindang pintura at thinner kaya’t mabilis na siyang lumabas upang humingi ng tulong dahil sobrang kapal na ng usok sa loob.

Ayon kay Paranaque City Fire Marshal F/Supt. Liher Barrios, dakong ala-11:14 Sabado ng madaling araw nang itaas nila sa ika-limang alarma ang sunog dahil pawang mga combustible materials ang nasa loob ng hardware.

Dakong alas-6:29 ng umaga nang makontrol ang sunog na pinagtulungang apulahin ng mahigit 80 fire truck kabilang ang mga fire volunteers sa Metro Manila at kalapit na lalawigan ng Cavite at Laguna.

Wala namang iniulat na nasawi o nasugatan sa sunog na tumupok sa tinatayang P30 milyong halaga ng gusali, maliban pa rito ang natupok na mga nilalaman ng mga commercial estalbishments sa loob nito.

Pinayuhan naman ng Pamahalaang Lungsod ng Parañaque ang lahat ng residente ng mga kalapit-lugar, pati ang mga mapapadaang motorista, na magsuot ng facemask para sa kanilang kaligtasan dahil mausok pa rin sa lugar.