Calendar
Lacson sinabing pahayag ni Dizon di tugma sa DPWH inspection reports
TALIWAS sa mismong site inspection reports ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pahayag ni Public Works Secretary Vince Dizon sa Senado nitong Biyernes, ayon kay Sen. Panfilo “Ping” Lacson.
Ayon kay Dizon, walang nakitang ghost project sa Taguig City ang imbestigasyon ng ahensya.
Sagot ito ni Dizon kay Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano sa pagdinig ng Senate finance subcommittee sa panukalang P643.95-bilyong badyet ng DPWH para sa 2027. Pinamunuan ni Sen. JV Ejercito ang pagdinig.
“Wala po sa aming investigation. As of today, wala,” sagot ni Dizon nang tanungin ni Cayetano kung may ghost projects sa Taguig.
Ayon sa isa pang opisyal ng DPWH, 107 ang proyekto sa Taguig, “all of which have accomplishments.”
Sinabi ni Cayetano na malaya ang media at sinumang nag-iimbestiga na silipin ang mga proyekto. Aniya, mula nang pumutok ang isyu ng flood control, paulit-ulit na rin nilang itinatanong ito sa sarili nilang lugar.
“Because I myself want to know kung may ghost,” wika niya.
Ipinunto ni Lacson na hindi tugma ang sagot ni Dizon sa inspection reports ng Bureau of Maintenance, Bureau of Quality and Safety, Bureau of Construction at Bureau of Research and Standards ng DPWH.
Ayon sa senador, idineklarang tapos na sa mga ulat ang ilang flood control project sa Taguig. Pero hindi makumpirma ng mga inspection team na pisikal na naroon ang mga ito dahil sa iba’t ibang kadahilanan. Kaya walang tiyak na konklusyon kung umiiral nga ang mga proyekto.
“Poor DPWH Site Inspection Engineers. Their boss, Sec Vince Dizon directly contradicted their own site inspection reports in Taguig, specifically submitted by personnel from the department’s Bureau of Quality and Safety and Bureau of Maintenance,” ani Lacson sa post sa X nitong Biyernes ng gabi.
“Poor Vince Dizon. The ‘pressure’ of work may have clouded his memory. The DPWH already turned over to my Senate office records of nonexistent but reported as completed slope protection projects in Taguig. Like toothpaste squeezed from the tube, there’s no putting it back in,” dagdag niya sa isa pang post Sabado ng umaga.
Binanggit din ni Lacson ang pagsusuri ng DPWH sa mga posibleng magkakahawig na billing photograph ng mga proyekto sa Taguig mula 2017 hanggang 2025. Gumamit ang pagsusuri ng AI-based image similarity detection.
Ayon sa kanya, sa 15,523 larawang sinuri, 1,079 pares ang na-flag dahil sa mataas na pagkakahawig. Sangkot dito ang 180 kontrata, dagdag niya.
Batay sa naturang pagsusuri ng DPWH, ayon kay Lacson, ang isang kumpanya ang may pinakamaraming proyektong na-flag dahil sa posibleng magkakahawig na billing photos, na umabot sa 16. Sumunod ang isa pa na may 12, dalawa pa na may tig-10, at ang isa pa na may siyam.
Nauna nang isinumite ng team ni Lacson sa Office of the Ombudsman ang hindi bababa sa 45 case studies, na suportado ng mga opisyal na dokumento. Tungkol ito sa tinawag nilang “systemic anomalies” sa flood control projects sa Taguig.
Ayon sa tanggapan ni Lacson, nagsasagawa na ang Ombudsman ng fact-finding investigation sa mga alegasyong ito.
Nagpadala rin ang team ng mga ebidensya kaugnay ng umano’y ilegal na reclamation at mga infrastructure project sa bahagi ng Laguna Lake na sakop ng Taguig.
Naungkat din ang reclamation sa pagdinig nitong Biyernes. Kinuwestiyon ni Cayetano ang paggigiit ng Philippine Reclamation Authority (PRA) na kumuha ang DPWH ng reclamation permit para sa isang proyekto sa baybayin ng lawa sa Taguig.
Ayon kay Cayetano, ang Laguna Lake Development Authority ang may hurisdiksyon batay sa isang 1995 opinion ng Department of Justice. Tanong pa niya, bakit hindi ito hinihingi ng PRA sa Laguna Lakeshore Road Network, na ayon sa kanya ay mas malaking proyekto.
“I’m not asking for any violation of the law. I’m asking for the equal protection and equal application of the law,” ani Cayetano.
Sinabi ni Dizon na sumulat na ang DPWH sa PRA para humingi ng paliwanag. Humiling na rin daw ang ahensya ng pulong sa pamunuan ng PRA.

