Budol

Bebot, kasabwat timbog sa pag-‘budol’ sa dayuhan

Edd Reyes Sep 26, 2026
120 Views

TIMBOG sa entrapment operation ng pulisya ang 23-anyos na bebot at kasabuwat na lalaki na nambudol sa Chinese national para makapagtangay ng malaking halaga ng salapi Sabado ng umaga sa Pasay City.

Ikinasa ng mga tauhan ni Pasay police chief P/Col. Joselito De Sesto ang entrapment operation laban sa mga suspek dakong alas-10:20 ng umaga sa isang restaurant sa Seaside Boulevard, Brgy. 76 matapos maghain ng reklamo ang 30-anyos na Chinese national na empleyado ng isang money-changing establishment

Sa inilabas na ulat ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Acting Director P/BGen. Christopher Abrahano, sinamantala ng bebot ang pagkahumaling sa kanya ng dayuhan nang hiritan ng P130,000 upang mapapayag ang aniya ay istriktang magulang sa kanyang pakikipag-relasyon.

Hindi pa rito nagwakas ang pambubudol ng suspek dahil muling humirit sa dayuhan na mag-display ng P200,000 cash na ipakikita niya sa kanyang mga magulang para naman patunayan sa mga ito na ma-datung ang kanyang dyowa.

Nang humirit muli ng P10,000 ang suspek, dito na nakahalata ang dayuhan kaya’t humingi na ng tulong sa pulisya na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek at sa 29-anyos na kasabuwat nang tangkain nitong itakas ang babaing strict umano ang parents.

Ayon kay BGen. Abrahano mahaharap sa kasong Estafa ang bebot habang Obstruction of Justice naman sa kanyang kasabuwat na kelot sa Pasay City Prosecutor’s Office.