Snatcher Source: PNP

Lalaki na nanghablot ng bag ng driver nasukol

Edd Reyes Sep 26, 2026
575 Views

ARESTADO ang lalaking umano’y tumangay sa sling bag na may lamang P35,000 at bank cards ng ride hailing driver matapos habulin ng biniktima niya at testigong nakakita sa insidente noong Biyernes sa Caloocan City.

Driver’s license at Unified Multi-Purpose ID na lang ng biktima ang nabawi habang posibleng naipasa na sa kasabwat ang bag na naglalaman ng mobile phone, power bank, P35,000 at bank cards.

Sa ulat ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director P/BGen. Christopher Abrahano, naganap ang insidente dakong alas-11:30 ng gabi sa Phase 10B, Package 6, Brgy. 176F, Bagong Silang habang magkausap ang biktima at testigo.

Nakita ng testigo ang pagtangay sa sling bag ng suspek kaya’t hinabol nila ang kawatan hanggang matiyempuhan sa ACCO Homes Phase 10, Bagong Silang alas-12:05 na ng Sabado ng hatinggabi.

Humingi ng tulong sa mga tauhan ni Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth ang dalawa kaya nadakip ang suspek na mahaharap sa kasong pagnanakaw.