Bayani Source: File photo ni JONJON C. REYES

3 pamangkin nailigtas sa sunog ng Super=tiyuhin

Edd Reyes Aug 22, 2024
99 Views
Sunog
Source: File photo ni JONJON C. REYES

HIMALANG nabuhay at hindi nalitson ng buhay ang tiyuhin na niligtas ang tatlo niyang pamangkin mula sa lumalagablab na bahay noong Agosto 19 sa Brgy. Buli, Muntinlupa City.

Umabot sa 27 pamilya ang nawalan ng tirahan sa naturang sunog na tumupok sa tinatayang P175,000 halaga ng mga ari-arian bago tuluyang naapula dakong alas-8:00 ng gabi.

“Akala ko po katapusan na namin dahil dama na namin ang init habang nasa loob kami ng banyo ng nasusunog naming bahay.

Hindi ko na po alam ang aming gagawin kaya tinanggap na namin ang aming kasasapitan,” sabi ni Precious, isa sa tatlong pamagkin na nailigtas ni Freddie sa mala-impyernong sunog na ginawang abo ang bahay nila.

Personal ding nakausap ni Mayor Ruffy Biazon si alyas Freddie na nalapnos ang dalawang braso matapos bumalik sa loob ng nasusunog na bahay upang iligtas ang mga pamangkin.

Ayon sa alkalde, tunay na katapangan at kabayanihan ang ipinakita ni Freddie gitna ng panganib.

Abala daw si Precious sa online class bahay nang sumiklab ang apoy dakong alas-6:53 ng gabi.

Sa kanyang pagkataranta, hinila niya ang mga pinsan papasok sa banyo dahil hindi na sila makalabas dahil sa mabilis na pagkalat na ng apoy sa buong bahay.

Nakalabas naman ang iba nilang kasama sa bahay kaya’t nalaman ng kanilang tiyuhin na naiwan sila sa loob ng naglalagablab na bahay.

Ayon kay Precious, habang hinihintay na lang nila ang kanilang kamatayan, biglang bumukas ang pintuan ng banyo at kaagad silang hinila ng kanilang tiyuhin at pilit na inilabas sa nasusunog na bahay.