Tsino Source: FB post

3 Tsino, 4 na Pinoy inaresto sa pagdukot, pagnanakaw sa 3 babaeng dayuhan

Edd Reyes Sep 3, 2024
23 Views

TATLONG Chinese nationals at apat na Pinoy na umano’y sangkot sa pagdukot at pagnanakaw sa tatlong babaeng foreigners ang naaresto ng mga pulis noong Lunes sa Paranaque City.

Kinilala ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/MGen. Jose Melencio Nartatez ang mga naaresto na sina Liu Yujie, 39; Weichun Xu, 35; Donbo Lyu, 34; at mga Pinoy na sina alyas Jon-Jon, 45; Jericho, 29; Brian, 33; at Ruel, 42.

Nadakip ang pito sa Thomas St., Multinational Village, Brgy. Moonwalk dakong alas-4:00 ng hapon.

Ayon kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Leon Victor Rosete, puwersahang pinasok ng mga suspek ang inuupahang bahay ng mga biktimang sina alyas Kelly, alyas Tong-Tong at alyas Xu sa 31 Timothy St. Multinational Village, Brgy. Moonwalk dakong alas-3:45 ng umaga.

Sinira ng mga suspek ang CCTV sa bahay at kinumpiska ang cellular phone ng kanilang driver na si alyas Kevin pati ng isa pang kasambahay bago puwersahang isinakay ang mga biktima sa sasakyan nila na Toyota Alphard at saka tumakas.

Natunton ng mga pulis ang mga suspek sa Thomas St. sa loob din ng Multinational Village kaya natiklo at nasagip naman ang mga biktima.

Nabawi rin ng pulisya ang sasakyan ng mga biktima mula sa mga suspek.