4 ex-justices pakikinggan ng mga senador bago bumoto sa Tulfo appeal

22 Views

PAKIKINGGAN muna ng Senate impeachment court sa Setyembre 16 ang apat na retiradong mahistrado ng Supreme Court bago bumoto ang mga senator-judges sa appeal ni Senator-judge Erwin Tulfo sa 16-vote ruling sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Maghahain ng oral arguments ang prosecution at defense sa Setyembre 23. Pagkatapos lamang ng mga ito inaasahang boboto ang mga senator-judges sa appeal ni Tulfo.

Inapela ni Tulfo ang naunang ruling ni impeachment court presiding officer Sen. Francis “Chiz” Escudero na 16 affirmative votes ang kailangan para sa conviction, batay sa two-thirds ng buong 24-member Senate.

Hiniling ni Tulfo na linawin kung dapat pa ring isama sa basehan ng two-thirds vote ang mga senator-judges na hindi makalalahok sa final vote.

Pinili ni Escudero bilang amici curiae o “friends of the court” sina retired Chief Justices Artemio Panganiban, Reynato Puno at Hilario Davide Jr. at retired Associate Justice Adolfo Azcuna.

Ayon kay impeachment court spokesperson Atty. Regie Tongol, pinagbatayan sa pagpili sa apat ang kanilang credentials, legal expertise, karanasan sa Supreme Court, mga desisyon at legal writings at paglahok ng ilan sa pagbalangkas ng 1987 Constitution.

May mga posibleng pangalan na informal na napag-usapan kasama ang prosecution at defense, ngunit hindi ito pormal na isinumite sa impeachment court. Si Escudero umano ang pumili sa apat.

Posible ring madagdagan pa ang mga amici matapos ang karagdagang pag-aaral ng legal team ng presiding officer o kung may ibang pangalan na imungkahi ang mga senator-judges.

Sinabi ni Tongol na tinitingnan din ang posibilidad na mag-imbita ng isang babaeng legal expert matapos mapansin sa mga komento na pawang lalaki ang unang apat na napili.

Tatlong pangunahing usapin ang inaasahang lilinawin ng amici sa Setyembre 16.

Una, maaari pa bang iapela o ipa-reconsider ang naunang ruling ni Escudero?

Ikalawa, nakapirmi ba sa 24 senador ang basehan ng two-thirds vote o maaari itong magbago depende sa bilang ng mga senator-judges na aktuwal na makalalahok sa final vote?

At ikatlo, paano dapat gamitin sa usapin ang mga desisyon sa Avelino v. Cuenco at Bayan v. Zamora?

Ayon kay Tongol, pakikinggan ang mga legal na argumento ng amici upang makatulong sa mga senator-judges sa pagdedesisyon sa appeal.

Inaasahang personal na haharap sina Panganiban, Puno at Azcuna sa Setyembre 16. Si Davide naman ay magsusumite ng legal memorandum na babasahin sa impeachment court dahil hindi siya makadadalo nang personal.

Pagkatapos nilang maglahad ng kani-kanilang legal na pananaw, maaaring tanungin sila ng mga senator-judges.

Maaari ring magsumite ng tanong ang prosecution at defense, ngunit dadaan ang mga ito sa presiding officer sa halip na direktang itanong sa amici.

Inihalintulad ni Tongol ang proseso sa oral arguments sa Supreme Court, kung saan susuriin ng mga senator-judges ang magkakaibang legal na argumento.

Pagkatapos ng Sept. 16 proceedings, ang prosecution at defense naman ang maghahain ng oral arguments sa Setyembre 23, kung saan maaari nilang gamitin ang mga legal na puntong lumabas sa pagdinig sa amici.

Ayon kay Tongol, unang pagbobotohan ng mga senator-judges kung maaari bang dinggin ang appeal ni Tulfo. Kapag hindi pumasa ang unang boto, mananatili ang 16-vote ruling ni Escudero, ayon sa spokesperson.

Kapag pumasa, saka pagdedesisyunan ng mga senator-judges ang mismong merito ng appeal, kabilang kung dapat manatiling 24 ang basehan ng two-thirds vote.