Calendar
P332B DILG budget approved na; pulis, fire truck na kulang nabusisi
INAPRUBAHAN sa committee level at inendorso sa plenaryo ng Senado ang panukalang P332.5 bilyong budget ng Department of the Interior and Local Government para sa 2027 matapos busisiin ng mga senador ang kakulangan sa pulis at fire trucks, police deployment, procurement at emergency response.
Tinalakay nina Sens. JV Ejercito, Panfilo “Ping” Lacson at Erwin Tulfo at Senate President Sherwin Gatchalian ang bilang ng mga pulis na aktuwal na nasa frontline duty, kakulangan sa kagamitan ng Bureau of Fire Protection, recruitment at Unified 911.
Kinuwestiyon ni Ejercito ang pagtalaga ng mga pulis bilang security personnel ng mga opisyal at kung nakababawas ito sa bilang ng mga tauhang nasa frontline duty.
Sinabi ni DILG Secretary Jonvic Remulla na may mga pulis na nakatalagang security personnel ng governors, mayors, councilors at barangay captains.
Ayon sa Philippine National Police, nasa 1:692 ang police-to-population ratio kumpara sa target na 1:500. Tinatayang 49,000 dagdag na pulis ang kailangan upang mapalapit sa target, ayon sa kalihim.
Kinuwestiyon ni Lacson kung ilan talaga ang naiiwang pulis para sa field duty kapag ibinawas ang mga nasa headquarters, security assignments at iba pang tungkulin.
Binusisi rin niya ang mahigit 17,000 bakanteng posisyon sa buong DILG family at ang recruitment plans ng PNP at BFP.
Sa BFP, sinabi ng bureau na 106 local government units ang wala pang fire truck at 61 ang walang fire station.
Ayon sa BFP, kailangan ng 4,178 fire trucks sa buong bansa ngunit 2,997 lamang ang mayroon, o kakulangan na 1,181 units. Bukod pa rito ang matatandang sasakyang kailangan nang palitan.
Sinabi ni Tulfo na sa pag-iikot niya sa mga probinsya nakakita siya ng mga fire truck na hindi gumagana at nakarinig ng mga reklamo tungkol sa maintenance at kakulangan ng piyesa.
Kinuwestiyon din niya ang kakulangan umano ng masks at iba pang protective equipment ng ilang bumbero sa mga probinsya.
Sinabi ng BFP na may inilaan nang maintenance funds at isasama sa mga bagong procurement ang kinakailangang firefighting equipment.
Hinanapan naman ni Lacson ng paliwanag ang halos isang taong pagkaantala sa pondong inilaan para sa mga fire truck at fire station at tinanong kung may nakikialam sa proseso.
Sumagot si Remulla na noong unang bahagi ng kanyang termino ay inalok umano siya ng dating BFP chief ng porsiyento sa bawat pagbili ng fire truck.
Ayon kay Remulla, ini-report ang opisyal sa Ombudsman at nagsagawa ang DILG ng mga pagbabago sa procurement system ng BFP.
Lumawak din ang usapin sa recruitment matapos ungkatin ni Tulfo ang umano’y “slot-for-sale” scheme sa BFP.
Sinabi ng DILG na mahigit 200 BFP personnel sa buong bansa ang iniimbestigahan kaugnay ng umano’y scheme.
Kasunod ito ng entrapment operation noong Agosto 24 sa San Fernando, Pampanga, kung saan isang BFP personnel ang inaresto matapos umanong tumanggap ng P300,000 mula sa isang aplikante kapalit ng puwesto sa bureau.
Ayon sa DILG, may mga aplikanteng sinisingil ng P100,000 hanggang P800,000. Patuloy ang imbestigasyon at hindi nangangahulugan ng pagkakasala ang pagkakasama lamang sa probe.
Hinalungkat ni Gatchalian ang P892 milyong pondong inilaan para sa 98 fire-station projects na idinaan sa Philippine International Trading Corp.
Sinabi ng BFP na nasa P60 milyon na lamang ang kasalukuyang “usable amount,” habang may bahagi ng pondo umanong naibalik sa Bureau of the Treasury at may mga proyektong na-terminate o hindi natapos.
Hiningi ni Gatchalian ang eksaktong accounting ng pondo at sinabi ng BFP na isusumite nito ang detalye.
Noong 2020, iniulat sa Senate records, batay sa 2019 audit findings, na wala pang natatapos sa 98 fire stations na pinondohan ng P892 milyon. Sa halagang ito, P787.5 milyon ang mula sa Fire Code fees at P104.8 milyon mula sa 2017 national budget.
Tumugon noon ang PITC na nagpapatuloy ang procurement at project implementation at nakikipagtulungan ito sa BFP.
Sa budget hearing, sinabi ng DILG na siyam sa target nitong 10 Unified 911 call centers ang naitatag at humihingi ito ng P711 milyon para sa emergency-response vehicles, kabilang ang scooters at maliliit na sasakyang kayang makadaan sa masisikip na kalsada.
