Gatchalian

Gatchalian nagulat na isang RTC judge higit 5K kaso ang hawak

17 Views

NABULAGA si Senate President Sherwin Gatchalian ng sabihin ng ilang miyembro ng judiciary sa Senate budget hearing na mahigit 5,000 kaso ang hawak ng nag-iisang RTC judge sa Cabuyao, Laguna na nagbitiw na dahil sa problema sa kalusugan.

“5,000 cases?” tanong ni Gatchalian sa pagdinig ng Senate finance subcommittee noong Setyembre 10 sa panukalang 2027 budget ng Judiciary.

“5,000 plus,” sagot ng Judiciary official.

Sinabi ng opisyal na kamakailan lamang ay nagsagawa ng judicial audit sa Cabuyao at nagbitiw ang hukom epektibo noong Agosto 31 dahil sa mga problema sa kalusugan.

“He’s facing a lot of health concerns and it’s really next to impossible that he handles all 5,000 cases and he’s the only one court in Cabuyao, Laguna, Your Honor,” sinabi ng opisyal sa mga senador.

Dagdag pa nito, may sakit na ang hukom at sumailalim na rin sa operasyon.

Tinanong ni Gatchalian kung magkano ang kailangang pondohan upang maibaba sa mas katanggap-tanggap na antas ang caseload ng mga hukom at kung ilang karagdagang korte, hukom at pasilidad ang kakailanganin.

Sinabi ng Judiciary na ang ideal caseload ay 300 kaso para sa first-level courts at 500 para sa second-level courts.

Ngunit sinabi rin ng Judiciary na wala pang pormal na pag-aaral kung magkano ang eksaktong pondong kakailanganin at kung paglikha lamang ng mas maraming korte ang sagot, o kailangan ding palakasin ang digitalization, modernization at iba pang proseso sa mga hukuman.

Iminungkahi ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan na bumuo ang Judiciary ng five- o 10-year catch-up plan upang matukoy ang kakulangan sa mga korte, hukom, tauhan at imprastraktura at ang pondong kakailanganin para mapababa ang case backlog.

Sumang-ayon si Gatchalian na makatutulong ang malinaw na target upang magabayan ang Senado sa pagpopondo sa Judiciary sa mga susunod na taon.

Ang Judiciary ay humihingi ng humigit-kumulang P86.27 bilyon para sa 2027, mas mataas nang mahigit 22 porsiyento kumpara sa 2026 allocation.