OMB bubuwagin na; mga ahensya hiningian ng resulta

20 Views

HINILING ni Sen. Erwin Tulfo na magpakita ng pakinabang sa publiko ang apat na ahensiya sa kanilang panukalang 2027 budget kabilang ang Optical Media Board na nais ng buwagin ng Senado.

Sinabi ni Tulfo na dapat suriin ang hinihinging pondo ng OMB, Movie and Television Review and Classification Board, Film Development Council of the Philippines at Philippine Racing Commission batay sa malinaw na resultang maibibigay ng bawat ahensiya sa publiko.

Tinanong ni Tulfo kung ano ang mapapala ng mga Pilipino kapalit ng pondong ilalaan sa mga ahensiya.

Bagaman magkakaiba ang kanilang saklaw, pare-pareho nilang kailangang makasabay sa pagbabago ng teknolohiya at kani-kanilang industriya.

Binanggit ni Tulfo ang lumalawak na paggamit ng teknolohiya sa karera ng kabayo, paglipat ng piracy sa digital platforms, pagdami ng nanonood ng pelikula at telebisyon online, at mas malawak na pandaigdigang merkado para sa creative economy.

“Every allocation must have a corresponding public benefit,” ani Tulfo.

Nananatiling gumagana ang OMB sa ilalim ng Optical Media Act of 2003 na sumasaklaw sa paggawa, pagkopya, pag-aangkat, pagluluwas at iba pang reguladong gawain kaugnay ng optical media gaya ng CDs at DVDs.

Noong Marso 9, inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate Bill No. 1654, na naglalayong buwagin ang OMB at ilipat ang mga tungkulin nito sa Intellectual Property Office of the Philippines.

May kahalintulad na panukala ring umusad sa antas ng komite sa Kamara, ngunit wala pang batas na nagbuwag sa OMB.

Ayon sa mga senador na nagsulong ng panukala, hindi na tumutugma sa kasalukuyang teknolohiya ang pangunahing mandato ng OMB dahil lumipat na sa internet ang malaking bahagi ng piracy mula sa dating paggamit ng pisikal na discs.